MAYROONG mga prutas na kulay asul at gulay na kulay purple. Ang mga ito ay mabuti sa puso, tiyan at nagpapalakas ng katawan.
Ang mga ito ay may sangkap na anthocyanins at iba pang anti-oxidants tulad ng lutein, resveratrol, vitamin C, flavonoids, ellagic acid at quercetin.
Ang halimbawa ng mga pagkaing ito ay ang ubas, talong at ube.
Ubas na asul – Ang ubas na kulay asul ay may taglay na flavonoids, quercetin, at resveratol. Ayon sa pag-aaral, ang ubas ay nagpapataas ng good cholesterol. Pinipigilan nito ang pagbuo-buo ng platelets sa dugo para hindi magbara ang ugat.
Ayon sa mga eksperto, mas masustansiya ang asul, pula at itim na ubas kumpara sa berdeng ubas. Ang ubas ay napag-alaman ding may panlaban sa virus at bacteria.
Para sa maysakit, mainam silang pakainin ng ubas dahil pinapalakas nito ang immune system ng katawan at bibilis ang kanilang paggaling. Huwag lang kumain ng sobrang daming ubas at ito’y nakatataba. Mga 12 pirasong ubas lang ang nirerekomendang kainin.
Talong na kulay purple – Ang talong ay may taglay na carbohydrates, potassium, calcium, vitamin B at vitamin C. Ayon sa pag-aaral, ang talong ay mayaman sa phytochemicals na makatutulong sa pag-iwas sa kanser.
Mayroon ding sangkap na diuretic o pampaihi ang talong na makabubuti sa mga pasyenteng may bato sa bato (kidney stones) at high blood pressure. Makatutulong din ang talong sa pagtunaw ng ating kinakain.
Ube – Ang ube ay may carbohydrate at fiber na puwedeng kainin ng mga may diabetes at sakit sa puso. Mataas ito sa vitamin C at vitamin B na mahusay sa balat at dugo. Mayaman ito sa potassium, copper at manganese na kailangan ng katawan.
Ang iba pang masustansiyang kulay asul na prutas at gulay ay ang prunes, blueberries at kulay ube na repolyo.