Hindi maganda ang mga nangyayaring kaliwa’t kanang krimen sa maraming bahagi ng bansa. Habang nagkukumahog ang mga ahensiya ng pamahalaan para hikayatin ang mga dayuhan na magtungo sa bansa, kaliwa’t kanang krimen naman ang nagaganap. Malaki ang impact nito sa mga dayuhang nagbabalak magnegosyo sa bansa. Paano uunlad ang negosyo kung maraming nagaganap na krimen at hindi naman agad malutas ng mga awtoridad. Mahirap mag-invest ng pera sa isang bansang walang maipangakong proteksiyon sa investors. Unang-una nang hinahanap ng mga dayuhang mamumuhunan ay ligtas ba sila sa bansang paglalagakan ng kanilang pera.
Ang pagpatay sa magkasintahang Geneva Lopez at kasintahang Israeli na si Yitshak Cohen sa Capas, Tarlac noong Hunyo 21 ay naghahatid ng pangamba at takot. Gaano na ba kaligtas sa Pilipinas at tila ang pagpatay ay karaniwan na lamang.
Natagpuan na ang naaagnas na bangkay nina Lopez at Cohen noong Sabado sa isang quarry site sa Capas. May mga tama ng bala sa katawan. Dalawang pulis ang suspect sa pagpatay na may kinalaman sa nakasanglang lupa ng dating beauty queen.
Bago ang pagkakatagpo sa mga bangkay ng magkasintahan sa Tarlac, siyam na bangkay ng mga dayuhan ang natagpuan sa iba’t ibang lugar sa Pampanga. Ang mga bangkay ay kinabibilangan ng 6 na Chinese, 1 Vietnamese, 1 Malaysian, at 1 Japanese.
Noong Hulyo 3, dalawang bangkay ang natagpuan sa isang bangin sa Sagnay, Camarines Sur. Ang mga bangkay ay sa 1 negosyanteng Chinese at 1 Chinese-American. Ayon sa Philippine National Police (PNP) narito sa bansa ang dalawang dayuhan para sa negosyo at mga Chinese din umano ang kausap ng mga ito bago nawala. Dumating ang dalawa sa Pilipinas noong Hunyo 20.
Ayon sa mga kaanak ng biktima, kinidnap ang mga ito ng kapwa Chinese at humihingi ng 5 million Chinese Yuan (katumbas ng P40 milyon) ransom ang mga kidnappers. Nakapagbigay na umano ng pera ang mga kaanak ng biktima. Ayon sa PNP, walang tama ng bala o anumang sugat ang dalawang biktima.
Krimen dito, krimen doon. Pawang patayan ang ibinabalita sa TV at radio. Mula nang mag-operate sa bansa ang POGOs, lalo nang dumami ang krimen. Pawang Chinese ang kinikidnap at kapwa Chinese din nila ang nasa likod ng pangingidnap. Ang masakit, dito sa Pilipinas nagaganap ang krimen kaya sa bansa lumalatay. Mababansagang “pook ng kriminalidad” ang Pilipinas dahil sa gawain ng mga dayuhan, partikular ang mga Chinese. Dapat nang buwagin ang POGOs para maisalba sa krimen ang bansa.