Lalaki sa U.K., inaresto dahil sa dala nitong laruang espada!
Isang 48-anyos na lalaki sa England ang nahaharap sa apat na buwan na pagkakakulong dahil nakita ito sa CCTV na may dalang laruang espada.
Noong June 8, nakatanggap ng report ang mga awtoridad mula sa mga CCTV operators ng Nuneaton, Warwickshire na may isang lalaki na namataang may dalang patalim sa Queens Road, Nuneaton town center.
Ang lalaki na nagngangalang Anthony Bray ay agad nilapitan at kinuwestiyon ng mga pulis. Nakita na ang dala nitong “patalim” ay isang six inches na miniature replica ng Master Sword mula sa video game na The Legend of Zelda.
Agad inaresto si Bray at dinala sa police station sa kasong “carrying a bladed article”. Ayon kay Bray, ang espada na nakuha mula sa kanya ay isa lamang laruan at wala siyang balak gamitin ito sa masama. Kuwento pa nito, nabili lamang niya ito online bilang isang fidget toy at hindi isang weapon.
Paliwanag naman ng mga pulis, anumang bagay na may talim, laruan man o hindi, ay kinokonsidera bilang isang “weapon” lalo na kung dala-dala ito sa isang pampublikong lugar. Ayon pa sa mga awtoridad, may zero tolerance sila sa pagdadala ng mga matatalim na bagay sa mga pampublikong lugar.
Para sa kanila, hindi dapat binabalewala ang kahit maliliit na patalim dahil ayon sa statistics na nakalap noong 2023, ang 101 na kaso sa naitalang 244 na fatal stabbings sa England ay gawa ng household kitchen knife.
Noong Hunyo 28, hinatulan si Bray ng apat na buwang pagkakakulong at pinagbabayad ng multang 154 British pounds.
Maraming netizens ang nagulat at nagtaka sa balitang ito dahil para sa kanila ay masyado namang malupit ang naging parusa kay Bray dahil lang sa laruang espada nito. Ayon sa ilang fans ng video game na The Legend of Zelda, ang laruang espada na nakumpiska kay Bray ay harmless at hindi matalim.
Pero ayon sa ilang news agencies na nagreport sa insidente, may hinala sila na binigyan agad ng apat buwan na pagkakakulong si Bray dahil hindi pala ito ang unang beses nitong gumawa ng krimen. Simula pa 1989 ay nasangkot na ito sa mga pagnanakaw at noong 2011, nakulong na ito ng apat na taon sa kasong burglary.
Si Anthony Bray na inaresto ng mga pulis dahil sa pagdadala ng laruang espada.
- Latest