Mga espiya ng China
NAKAKALAT na raw ang mga espiya ng China sa bansa matapos maaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at intel agents ng Armed Forces of the Philippine (AFP) ang Chinese National na si Yuhang Liu sa Makati City kamakailan.
Sangkaterbang gadgets ang nakumpiska kay Yuhang nang arestuhin matapos ireklamo nang panunutok ng baril. Hinalughog ang bahay nito sa Marina Seaview Residence Project, Parañaque City at narekober ang isang drone at eavesdropping devices.
Dahil sa gadgets at mga advance technology, malaki ang hinala ng CIDG na espiya si Yuhang. Sa ngayon ay interesado ang Central Intelligence Agency (CIA) ng US kay Yuhang.
Nabasa naman sa cell phone ni Yuhang ang mensaheng “Ang mga Pinoy ay madaling patayin dahil sa kasuwapangan ng mga ito sa pera”. Nagpapatunay ito na maraming naging transaksyon si Yuhang sa mga departamento ng pamahalaan at nakakalusot ito sa lahat ng kanyang nais na kunin at pasukin upang makakuha ng mga impormasyon.
Samantala, sinisiyasat din ng PNP si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na hinihinalang espiya rin. Bagamat sa pagdinig sa Senado, sinabi ni Guo na siya ay Pilipino. Pero nang tanungin siya nina Senators Risa Hontiveros at Loren Legarda ay kaduda-duda ang kanyang mga sagot.
Tinanong siya kung saan siya ipinanganak at kung sinu-sino ang kanyang mga kapatid pero walang maalala si Guo. Nang tanungin muli, anak lang daw siya sa labas. Katulong daw ang kanyang ina. Mahirap lamang daw sila at nag-aalaga ng baboy. Nang tanungin uli, nabunyag na may mga kapatid ito at maraming mamahaling sasakyan at may helicopter pa.
Dapat magtrabaho nang husto ang intelligence ng PNP at AFP para matukoy kung mga espiya ng China sina Yuhang at Guo.
- Latest