Saludo ang Pilipinas sa Atin Ito. Lumayag ang peace and solidarity regatta sa Panatag (Bajo de Masinloc) Shoal nu’ng May 15-17. Pinatunayan sa mundo na atin ang bahura na ilegal na inaangkin ng Beijing. Binisto rin sa mundo ang pambu-bully ng China Peoples Liberation Army-Navy sa mga sibilyan.
Paninira at pananakot ang tinangka ng Beijing. Nagdispatya ito ng limang barkong pandigma ng PLAN, anim na higanteng gunboats ng China Coast Guard (CCG), at 26 steel trawlers ng Chinese maritime militia. Nag-broadcast pa sa kontroladong Chinese media na kesyo nag-uudyok ng gulo ang Pilipinas.
Apat na bangkang sibilyan lang ang Atin Ito regatta. Sakay ay mga Pilipino at dayuhang mamamahayag, dalawang mayor ng Zambales, at isa ng Aklan, at mga boluntaryo. Sinamahan sila ng tatlong Philippine Coast Guard patrols. Isandaang maliliit na bangka ang naghatid sa kanila hanggang 50 milya mula Subic, Zambales.
Sa simula binuntutan ng CCG gunboats ang regatta. Niradyohan ang PCG patrols para paalisin. Lumapit ang gunboats 100 metro lang sa regatta. Nu’ng gumabi tinangka ng CCG na hawiin ang hanay.
Hindi nagpatinag ang regatta. Nagbaba sa mga takdang lugar ng mga boya na may tatak na “Atin ang West Philippine Sea”. Hinarang sila ng CCG bago makalapit sa Panatag.
Ganu’n pa man, nakapamigay ang regatta ng 1,000 litrong diesel at 200 food packs sa 144 mangingisdang Pilipino sa gilid ng Panatag. Naisahan ng “diskarteng Pinoy” ang mga bully.
Isang araw bago ang main voyage tumulak na ang isang bangka patungo sa bahura. Nakapamudmod ito ng pagkain at krudo bago mapansin ng PLAN destroyer no. 175.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).