Sa aking kolum kahapon, nasabi ko na nakakapagduda kung talagang independent minded ang Senado gaya nang nakamulatan na nating paniniwala. Ito’y matapos palitan ni Sen. Chiz Escudero si Sen. Juan Miguel Zubiri bilang Senate President.
Iyan kasi ang general impression—na ang Mababang Kapulungan ay laging kampi sa administrasyon at ang Senado ay mas may “bayag” na tutulan ang anumang panukala ng administrasyon na inaakala nitong hindi makabubuti sa bansa.
Ang dahilan ni Zubiri sa kanyang puwersahang pagre-resign ay ang masugid niyang paninindigan laban sa Charter change at ang hindi niya pagpigil sa Senate investigation sa tinatawag na PDEA leak na nagdadawit kay Marcos Jr. sa paggamit ng droga.
Pero nakakapagtaka na kung ang kanyang anti-Cha-cha stand ang dahilan, bakit ang pumalit sa kanya ay si Escudero na kontra rin sa Cha-cha? Kung ang hangad ng administrasyon ay maipasa ang Charter change, bakit itatalaga ang isa pang leader na kontra rito?
Nung una, sinabi pa ni Escudero na hindi niya inaasahan ang pangyayari, pero ngayon ay umamin na siya ang una sa mga senator na lumagda para sa pagtanggal kay Zubiri.
Talagang sa simula, ang sisisihin ng tao ay ang administrasyong Marcos dahil ipinahiwatig ni Zubiri na siya ay dumanas ng pressure “mula sa itaas” dahil sa pagsuway sa nais ng administrasyon. Kaya sa harap ng pangyayaring ito maaaring maglumaro sa isip nang marami ang katanungang ito:
Ito kaya ay isa na namang scenario para siraan ang administrasyon ni Marcos? Your guess is as good as mine.