Nyron's lettuce in a cup
1K na puhunan, 50K na ngayon...
Ngayong araw na ito ay ibabahagi ko sa inyo ang very inspiring na buhay sa paghahalaman ng isang 16 na taong gulang na grade 10 student, na nagsimula lamang sa 1,000 puhunan at ngayon ay may green house na 50,000 ang halaga at maliit na palaisdaan.
Siya si Nyron M. Morales, owner ng Nyron’s Lettuce in a cup na makikita sa Purok 2, Sta. Rita, Lubao, Pampanga.
Nagsimula si Nyron sa Kratky Hydropo-nics method of farming noong 2022 kung saan ay 14-years old pa lamang siya.
Ayon kay Nyron, mahilig siya sa pagtatanim ng halaman pero limited ang oras niya at wala siyang malawak na taniman.
Nag-search si Nyron ng mga video tutorial sa social media hinggil sa hydroponics method of farming at doon niya napanood ang mara-ming matagumpay na nagtatanim ng lettuce sa mga fruit at tuna box.
Isa sa napanood ni Nyron ay si Harold Zapata ng San Fernando, Pampanga at ginawa rin niya ang pagtatanim sa pamamagitan ng Kratky method.
“Nagsimula po ako sa 1,000 puhunan, makalipas lang po ng mahigit isang buwan ay umani na ako ng tanim kong lettuce,” ani Nyron.
Ipinagpatuloy ni Nyron ang pagtatanim dahil mabilis bumalik ang kanyang puhunan.
“Tuwing malapit na po akong umani ay pino-post ko sa social media ang aking mga tanim. Marami po ang nagpapareserba kaya kapag harvest na ay ubos ang aking mga tanim,” masayang pahayag pa ni Nyron.
Madalas ay hindi na humingi ng baon sa kanyang mga magulang si Nyron, pagpasok niya sa eskuwela dahil may sarili na siyang kita na labis namang ikinatutuwa ng kanyang butihing ama at ina.
Bunso si Nyron sa dalawang magkapatid. Sa tuwing paglabas niya sa paaralan ay sa kanyang garden siya tumutuloy para alagaan ang kanyang mga halaman.
Ani Nyron, sa hydroponics method of farming ay less ang trabaho, hindi tulad sa pagtatanim sa lupa ay kailangan diligan araw-araw ang halaman.
Naniniwala si Nyron sa sinabi ng ating pambansang bayani na si Gat. Jose Rizal na ang kabataan ang pag-asa ng bayan, kaya ang kanyang natutuhan at personal na karanasan sa pagtatanim ay ibinabahagi rin niya sa iba pang kabataan.
Sa paglipas ng mahigit isang taon na pagtatanim ng lettuce sa styrobox ang naipong kita ni Nyron ay naipagpagawa na niya ng green house na 50,000 at isang concrete pond o palaisdaan.
Ani Nyron, patuloy siyang nagre-reserch ng kaalaman kaya susubukan na rin niya ang aquaponics me-thod of farming kaya siya nagpagawa ng pond o palaisdaan para halaman sa taas isda naman sa ibaba.
Nagsisilbing pataba sa halaman ang dumi ng isda habang pagkain naman ng isda ang malilikhang lumot sa halaman.
Ayon pa kay Nyron, maraming benepisyo ang kanyang nakukuha sa pagtatanim ng halaman, una na rito ang pagkawala ng stress, exercise, nakakatipid, masustansiya ang kakainin at nakakatulong pa sa pagpreserba sa inang kalikasan at marami pang iba.
Iniimbitahan ni Nyron ang lahat, lalo na ang mga tulad niyang kabataan na sa halip na mag-cellphone, maglaro sa computer, magki-pagbarkada, magbisyo at iba pa ay magtanim na lamang tulad ng kanyang ginagawa.
Pinaplano na ni Nyron na magbigay ng free seminar tungkol hydroponics method of farming. I-text lamang ninyo siya sa 0992-712-71-38.
Plano na rin ni Nyron na magbenta ng starting kit at materials sa pagtatanim ng halaman para ang mga bibisita o papasyal sa kanya ay maaari bumili at magsimula sa maliit na halaga tulad ng kanyang ginawa.
Sa Linggo May 26, 2024 ay mapapanood ninyo ang interview kay Nyron at tour sa kanyang Garden sa Masaganang Buhay TV Show ng Magsasakang Reporter.
Samantala, para sa iba pang tips at sikreto sa pagtatanim ng iba’t ibang uri ng halaman sa pamamagitan ng organikong pamamaraan ay maaari po kayong manood at makinig ng aking TV program na Masaganang Buhay tuwing Linggo, alas-7:00 hanggang alas-8:00 ng umaga sa OnePH Cignal TV, Channel 1 ng TV-5. Mapapanood din sa RPTV, Facebook at Youtube.
Maaari din kayong manood at mag-subscribe at mag-follow sa aking Youtube Channel na ANG MAGSASAKANG REPORTER at Facebook profile na Mer Layson at Facebook page na Ang Magsasakang Reporter, TV host Vlogger, Tiktok na Magsasakang Reporter para sa iba pang kaalaman at impormasyon sa pagtatanim ng iba’t ibang uri ng halaman sa pamamagitan ng organikong pamamaraan.
Tuwing araw ng Martes ay regular ninyong mababasa ang aking kolum dito sa Pilipino Star Ngayon (PSN) ng Star Media Group.
Sa mga tanong at komento ay maaari ninyo akong i-text, huwag po tawag, sa 09178675197. STAY SAFE, HAPPY FARMING, GOD BLESS US ALL.
- Latest