Fatty liver
ANG fatty liver ay isang kondisyon kung saan nababalot ng taba ang atay. Kung may fatty liver, kadalasan ay mataas din ang iyong kolesterol sa dugo, blood sugar at uric acid. Malamang ay sobra ka rin sa timbang at malapad ang tiyan.
Malalaman na may fatty liver ang pasyente sa pamamagitan ng Ultrasound ng atay o Ultrasound of the Whole Abdomen. Tumataas din ang liver enzymes o SGPT. May taong nakararamdam ng pananakit sa kanang bahagi ng tiyan. Ang iba naman ay walang sintomas.
Minsan ay lumalala ang fatty liver at umaabot sa pamamaga ng atay at liver cirrhosis.
Para maagapan ang fatty liver, sundin ang mga sumusunod na payo:
1. Itigil ang pag-inom ng alak. Kahit isang patak ng wine, beer or hard drinks ay huwag nang subukan pa. Ihinto na rin ang paninigarilyo.
2. Magpapayat kung sobra sa timbang. Kapag nagbawas ka ng timbang, puwedeng mabawasan din ang taba sa iyong atay.
3. Umiwas sa pagkain ng matataba at matatamis na pagkain. Limitahan ang pagkain ng cake, mantikilya, ice cream at karneng baboy at baka. Umiwas o bawasan na rin ang pag-inom ng matatamis na inumin tulad ng soft drinks at iced tea.
4. Kumain ng masustansyang pagkain tulad ng maberdeng gulay at isda. Puwedeng kumain ng prutas pero huwag din sosobrahan ito dahil ito’y matamis din.
5. Gumalaw-galaw at mag-ehersisyo. Kapag nabawasan ang taba sa iyong katawan, mababawasan din ang taba sa atay.
6. Kung ikaw ay may diabetes, gamutin ito. Kumonsulta sa inyong doktor.
7. Kung mataas ang iyong kolesterol sa dugo, ibaba ito sa pamamagitan ng diyeta at gamot.
8. Kumain ng yogurt. Ayon sa isang pagsusuri, may tulong ang good bacteria sa yogurt sa paggamot sa fatty liver. Hindi pa ito tiyak pero pwede ninyong subukan.
9. Huwag basta-bastang uminom ng kahit anong tableta, supplements o vitamins. Huwag maniwala sa mga sabi-sabi. Itanong muna sa inyong doktor kung makasasama ba ito sa iyong atay.
Sadyang diyeta, exercise at paggamot sa diabetes at mataas na kolesterol ang lunas sa fatty liver. Alagaan ang atay.
* * *
Sore throat home remedy
Karamihan sa sore throat ay hindi naman nakapipinsala at kusa ring nawawala sa loob ng lima hanggang pitong araw.
Subukan ang mga sumusunod:
1. Doblehin ang pag-inom ng likido gaya ng tubig, juice, tea at maligamgam na sabaw. Makatutulong ito para mapanatiling malabnaw ang plema at madaling ilabas. Iwasan ang kape at alak.
2. Magmumog ng tubig na may asin. Paghaluin ang kalahating kutsaritang asin sa isang baso ng maligamgam na tubig at imumog. Makatutulong ito para guminhawa ang lalamunan at maalis ang plema.
3. Subukan ang lozenges o candy para sa sore throat.
4. Ipahinga ang boses. Kung naapektuhan ng sore throat ang iyong pagsasalita ay maaaring humantong sa iritasyon at pansamantalang pagkawala ng boses.
5. Ang pagdagdag sa moisture ng hangin ay makatutulong na maging basa ang sinus at mucous membrane. May humidifier na nabibili o pwede din ang steam inhalation.
6. Iwasan ang usok at polusyon. Ang usok ay nagpapa-irita sa sore throat. Itigil rin ang paninigarilyo.
Para maiwasan ang sore throat:
1. Madalas na maghugas ng kamay o gumamit ng alcohol na panlinis ng kamay kung may sipon at trangkaso.
2. Iwasan ang paghawak sa ilong at bibig para maiwasan makakuha ng mikrobyo.
Kumunsulta agad sa doktor kung:
1. Hirap o masakit lumunok o huminga.
2. Paninigas ng leeg at sobrang pananakit ng ulo.
3. Mataas na lagnat.
4. Rashes.
5. Pauli-ulit na pamamalat o mouth ulcer.
- Latest