1763: Pinatay si Diego Silang, 32, ng kaibigang Miguel Vicos. Mestisong Ilocano si Vicos, na binayaran ng mga prayleng Kastila para gapiin si Silang sa tulong ni Pedro Becbec.
1896: Inaway ni Teodoro Patiño ang kapwa-katipunerong Apolonio de la Cruz dahil sa P2 taas-sahod sa Diaro de Manila. Sinuplong ni Patiño ang lihim na samahan sa kapatid na madreng Honoria na nagsumbong sa Kastilang kura paroko Mariano Gil. Hinuli ang pinuno.
1897: Nanguna si Maj. Lazaro Macapagal sa pagpatay kay Andres Bonifacio. Sinaksak nina Agapito Bonzon at Jose Ignacio Paua sa leeg si Supremo. Binaril ang kapatid na Ciriaco, binugbog si Procopio, at ginahasa si Gregoria de Jesus.
1897: Inudyukan ni Pedro Paterno si Hen. Emilio Aguinaldo maipag-Pakto sa Biak-na-Bato at lumipat sa Hong Kong. Tapos humingi siya ng pabuyang P800,000 at titulong baron. Mariing tumanggi ang Kastilang gobernador-heneral Fernando Primo de Rivera.
1899: Bantay-sarado sina Hen. Gregorio del Pilar at 60 sundalo sa Tirad Pass. Pero tinuro ni Januario Galut sa mga tropang Amerikano ang pasilyo mula sa likod. Nagapi ang rear guard ni Presidente Aguinaldo.
1901: Nagbihis sundalo ni Aguinaldo ang ilang Macabebe Scouts na kumampi sa U.S. Army. Dinala nila sa kuta ang mga kunwari’y bihag na Amerikano. Nilundag at hinuli nila si Presidente Aguinaldo sa utos ni Gen. Frederick Funston.
1945: Dinakip si kulaboretor Mariano Marcos ng Luzon Guerilla Armed Forces ni Maj. Robert Lapham. Sa paglilitis inamin ni Marcos ang mga sala. Ang hatol: “pagpatay sa paraang drawn and quartering”. Itinali ang mga kamay at paa sa dalawang kalabaw na nilatigo para tumakbo sa magkabilang direksiyon. Binitay sa puno ang lasog-lasog na bangkay. Sa pook na ‘yon ngayon ang Don Mariano Marcos Memorial State University, Bacnotan, La Union. Ginawa ni President Ferdinand Marcos Sr. na Mariano Marcos Ave. ang Commonwealth Avenue, Quezon City.