Dito sa ating bansa, napakaraming kaso ng cancer at mga problema sa puso kada taon. Ayon sa mga eksperto, #3 leading cause of death na sa Pilipinas ang sakit na cancer. Sinabi rin ng Philippine Institute for Development Studies o PIDS na mayroong 25,000 bagong kaso ng cancer sa bansa taun-taon at karamihan dito ay breast cancer. Sa mga nasabing pagsasaliksik ay parating binibigyang diin na puwede sanang maiwasan ang pagkamatay ng mga pasyente kung na-detect nang maaga ang cancer. Early detection at prevention ika nga, kaysa naman gagamutin lamang ang sakit kapag nasa malalang stages na ito.
Noong nakaraang linggo, may isang malaking development sa healthcare delivery services system ng Makati. Magkakaroon na ng state-of-the-art Digital AI PET/CT scanner sa Makati Life Medical Center sa ikatlong quarter ng taon. Ang good news, magagamit ito nang libre ng Yellow Card holders at kanilang dependents na wala pang 21 taong gulang. Ito ang kauna-unahang imaging system ng ganitong kalibre sa bansa.
Ang PET/CT uMI 550 ay makakapagbigay ng mas malinaw na image para maagap na malaman at magamot ang maraming uri ng cancer, mga sakit sa puso at neurological conditions. Sa pamamagitan ng artificial intelligence ay makatutulong ito sa mga doktor sa pagdedesisyon at pagsasagawa ng mas angkop at epektibong paggagamot.
Ang pagkakaroon ng digital PET/CT scanner ay bahagi ng pagsusumikap ng lungsod na gawing abot-kamay ng Makatizens ang pinakamahusay na healthcare technologies. Hindi dapat maging hadlang ang estado sa buhay sa kakayahang makapagpagamot at magkaroon ng access sa advanced medical treatments. Mauumpisahan na ang paggamit ng nasabing scanner sa Makati Life Medical Center sa third quarter ng taon.
Sa kasalukuyan, bukas 24/7 ang outpatient department ng Makati Life Medical Center upang magbigay ng access sa mga residente ng Makati at pribadong pasyente sa healthcare, consultations, diagnostic, at pharmacy services. Magiging fully operational ang 360-bed hospital sa pagtatapos ng taong ito. Mayroon itong iba’t ibang specialized centers na may mga pinakabagong kagamitan sa medical technology at modernong pasilidad. Nakatutok ang mga ito sa prevention, treatment, at rehabilitation sa iba’t ibang specialties.
Malapit nang matamasa ng Yellow Card holders ang lahat ng mga serbisyo at procedures na ito nang libre. Konting-konti na lang at mababago na natin ang sistema ng healthcare services delivery sa bansa. At dahil nga prevention ng sakit ang gusto nating i-promote, hinihikayat ko ang mga Yellow Card holders natin na may edad 40 pataas na magpagawa ng kanilang annual physical examination sa Makati Life. Higit pa ito sa basic check-up at labs dahil kasama rin ang screening para sa metabolic, lipid, liver, kidney profiles, at iba pa, na nakakapagbigay ng kumpletong health assessment para sa mga indibidwal.
Para magpa-schedule ng appointment o may katanungan, puwedeng tumawag sa Makati Life sa (02) 8888-2020 o mag-message sa 0917-658-5433 or 0947-990-7362.