^

PSN Opinyon

OFWs napapahamak sa ‘third country hiring’

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Marami ring overseas Filipino worker na kahit nasa ibang bansa na sila, malungkot o maligalig pa rin o hindi kuntento sa kanilang kinalalagyan sa iba’t ibang kadahilanan. Maaaring sa kinaroroonan nilang bansa, walang kasiguruhan sa kanilang trabaho at kinabukasan, hindi sila umaasenso,  hindi nila maisasama at makakapiling doon ang naiwan nilang pamilya sa Pilipinas, dumaranas sila ng kaapihan o pang-aabuso, malabong maging permanenteng residente roon, at sitwasyon na nagtutulak sa kanila na hangaring makalipat sa iba pang dayuhang bansa. May mga kaso naman na ang mga OFW ay isinasama ng kanilang mga amo sa lilipatan nitong ibang bansa kahit hindi ito nakasaad sa orihinal nilang kontrata.

Kaya nga, may mga OFW na pagkaraan ng ilang taong pagtatrabaho sa isang dayuhang bansa tulad sa Saudi Arabia, United Arab Emirates, Singapore, Hong Kong, Taiwan at  Malaysia bilang halimbawa, nagagawa nilang makalipat sa ibang bansa tulad ng sa North America o Europe. Ditonagkakaroon ng pagkakataon na maging biktima sila ng illegal recruiter o human trafficker.

Napatampok minsan sa artikulo nina Raquel Carvallo at Katie McQue sa AlJazeera, isang media outlet sa Gitnang Silangan, ang kaso ng mga OFW na naiipit, nagigipit at napapagsamantalahan sa Poland makaraang mabiktima ng mga illegal recruiter. Mahihiwatigan sa ulat na nagtatrabaho sa ibang bansa tulad sa Saudi Arabia, Qatar at Hong Kong ang marami sa mga OFW na ito na nalinlang at pinagkaperahan ng mga illegal recruiter para makalipat sila sa naturang bansa sa Europe. Dahil nga Europe, umasa sila na gaganda ang buhay nila rito at ng kanilang pamilya pero hindi ang inaasahan nila ang nangyari pagdating nila sa Poland. Ilan nga sa mga OFW na ito ang tumatakas sa kanilang trabaho at iligal na lumilipat sa ibang trabaho o bansa sa Europe.

Itinago ng Al Jazeera ang pangalan ng mga nakausap nitong mga OFW para mapangalagaan ang kanilang identidad. Kabilang sa kanila si Robby na dalawang buwan nang  nagtatrabaho sa isang chicken factory sa Mlawa, Poland. Noong Pebrero, sinalakay ng mga pulis ang pabrika dahil sa mga undocumented o illegal na dayuhang manggagawa na nagtatrabaho rito tulad niya.

Sinabi ni Robby na hindi niya alam na iligal siya. “Akala ko naikuha na ako ng agency ko ng work permit. Nang hinuli ako, para akong kriminal. Hiyang-hiya ako. Isinakay kami ng pulisya sa kotseng may mga rehas,” sabi niya sa Ingles.  Nakulong siya ng isang araw bago siya sinabihan na ipapa-deport siya.

Nabatid na iniwanan ni Robby ang trabaho niya sa Saudi Arabia para magtrabaho sa Poland. Nakilala niya ang illegal recruiter na nagdala sa kanya sa Poland sa pamamagitan ng social media.

Halimbawa rin ang mag-asawang Cora at Ronald na may isang taon nang nagtatrabaho sa isang pabrika sa Poland makaraang magbayad sila ng $11,000 sa isang recruitment agency sa Pilipinas. Pero kabaligtaran sa pangako ng recruiter ang nangyari. Hindi sila regular na empleyado pagdating sa naturang bansa, walang katiyakan ang oras ng trabaho sa ilalim ng isang subcontractor. Seasonal worker lang sila, 20 zloty ($5) per hour ang suweldo at wala silang residency permit. Nakatira sila sa isang bahay na siksikan ang mga tao. Sa madaling salita, illegal worker sila sa Poland.

Kabilang sa pambobola ng mga illegal recruiter na madaling magiging permanent resident at European citizen ang biktimang OFW pero hindi pala totoo.

Isa pang OFW sa Qatar na si Andrea,  nagbayad sa illegal recruiter ng 2,500 euros (US$2,700) para sa trabaho sa isang pabrika sa Poland pero walang nangyari. Hinihingan pa siya ng dagdag na 3,500 euros para makumpleto ang kanyang aplikasyon pero hindi naman inaasikaso ang kanyang papeles.

Bukod dito, napakaliit ang sahod na tinatanggap ng mga OFW na nalinlang ng mga illegal recruiter sa Poland at napakalaki ng buwis na binabayaran nila kaya marami sa kanila ang tumatakas at naghahanap ng trabaho sa ibang bansa sa Europe.

Isang single mother si Victoria, na nagsanla ng kanyang bahay at nangutang ng pera para makabayad sa recruitment agency na nakabase sa Poland at nakilala niya sa pamamagitan ng Facebook. Nagpadala siya ng P162,000 sa naturang recruiter. Humihingi pa ito ng dagdag na 1,500 euros ($1,635) bilang assurance fee pero kinastigo siya nito nang wala na siyang maibayad. Inireklamo niya sa mga awtoridad ang recruiter pero walang naparusahan at hindi na niya nabawi ang pera niya. Para mabayaran ang mga utang niya at masuportahan niya ang kanyang anak, nagtrabaho siya bilang domestic worker sa Middle East.

Sinasabi ng International Organization for Migration (IOM) ng United Nations na dumarami ang mga OFW sa Poland na umaabot sa kasalukuyan sa 30,000 na posibleng maabuso o malabag ang karapatang pantao.

Sina Evangeline, 43 at Ana, 30 ay nagbayad ng $5,700 at $4,080 sa recruiter para makapag trabaho sa isang pabrika sa Poland pero napakaliit ng sahod ($3 kada oras) at seasonal worker lang sila.

Ayon sa labour attaché ng Pilipinas sa Prague na si Llewelyn Perez, ang average monthly wage ng isang Filipino factory worker sa Poland ay about 4,200 zlotys ($1,050).

Tinatawag na third country o cross-country hiring ang ginagawa ng mga illegal recruiter na nilulusutan ang regulasyon sa Pilipinas na dapat dumaan lang sa mga rehistradong employment agencies ang pagpapadala ng mga OFW sa ibang bansa.  Sinasamantala nila ang malaking pangangailangan ng Poland sa dayuhang manggagawa at ang hangarin ng maraming OFW na magkaroon ng magandang buhay sa Europe.

May mga Facebook page na kinansela ng mga kinauukulan pero nakakagawa pa rin sila ng ibang FB page para magpatuloy ang kanilang operasyon.

* * * * * * * *

Email – [email protected]

vuukle comment

OFW

WORKER

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with