Knee-jerk reaction
Bumuo ang Department of Interior and Local Government (DILG) ng probe team upang siyasatin ang ilegal na pagtatayo ng mga resorts sa Chocolate Hills sa Bohol na deklarado ng batas na isang National Heritage at Protected Area. Sa ganitong mga lugar, bawal ang pagtatayo ng anumang istruktura.
Ngunit sa loob ng ilang taon, bakit may nakapagtayo ng tatlong commercial establishments o tourist resorts? Nagkamal na nang malaking kita ang mga resorts na iyan.
Tama naman na siyasatin kung sino o aling ahensya ng pamahalaan ang dapat papanagutin sa pagbibigay ng permiso sa mga pribadong entidad na nagtayo ng mga Ito.
Ngunit ito ay knee-jerk reaction na ginagawa kung may sumusulpot na problema. Ang mas mahalagang aksyon ay ang pagbuo ng epektibong mekanismo upang huwag malabag ang batas. Malinaw ang dahilan kung bakit ito nangyayari. Napakaluwag ng umiiral na batas.
Bakit maluwag? Kasi puwedeng tapatan ng halaga para labagin Ito. At natural, malalaki at makapangyarihang opisyales lang ang puwedeng suhulan dito at hindi karaniwang empleyado na walang poder na mag-apruba ng permiso. Maaaring ang suhol ay malaking halaga ng pera o kaya ay sosyo sa negosyo.
Ayaw ko sanang magbigay ng kritikal na pananaw pero kung pamahalaan ang mag-iimbestiga at ang mga sangkot sa anomalya ay mga namumuno, paano maaasahan ang kapani-paniwalang investigation? Hindi masisisi ang taumbayan na maging skeptical sa pamahalaan kung sa matagal na panahon, ang tingin sa pamahalaan ay sistemang bulok.
Bulok na sistema ang magsisiyasat sa sariling kabulukan? Gusto ko pa ring maniwala na may kabutihan pang natitira sa pamahalaan. Ang sinasabi ko lang ay ang pangkalahatang disgusto nang marami.
- Latest