Kahihiyan na naman
Wala na talagang hangganan ang kahihiyan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Maging tanim-bala, mga anomalya sa imigrasyon tulad ng pastillas, brownout o mahinang aircon, haba ng pila sa imigrasyon kung saan may naiiwang pasahero, hindi makatwirang mga tanong sa umaalis na pasahero. Ilang beses nang nalagay sa listahan ng mga pinakamasamang airport ang NAIA dahil sa kawalan ng mga bagay na magbibigay ng kaginhawahan sa mga pasaherong paalis. Mapapailing ka na lang talaga.
Ngayon, may bagong kahihiyan. Naging bikitma ng surot ang ilang pasaherong nakaupo sa mga silya sa Terminal 2 at 3 habang naghihintay sumakay ng eroplano. Surot sa NAIA. Pambihira. Malinaw na matagal nang hindi nalilinis ang mga silyang iyan, kung nalinis man mag mula nang magbukas ang NAIA Terminal 2 at 3. Sinundan naman ito ng mga malilit na ipis ganundin sa mga upuan sa parehong terminal. At hindi pa ako tapos, kinunan ng video ng ilang pasahero ang daga na lumalakad malapit sa kisame ng NAIA. Kumalat kaagad sa social media.
Sino ang hindi magagalit sa kahihiyan na namang ito? Ang malinis na kinita raw ng Manila International Airport Authority (MIAA) noong nakaraang taon ay P3 bilyon. Ganun ang kinita, wala silang pondo para mawala lahat ng klaseng peste sa paliparan? Sabi ni MIAA Head Executive Assistant Chris Noel Bendijo kakanselahin ang mga kontrata ng housekeeping at pest control sa NAIA kung matapos ang imbestigasyon ay makitang hindi nila ginawa ang trabaho nila. Eto na naman tayo.
Kailangan may mangyari munang ganito bago alamin kung ginagawa nga ng housekeeping at pest control ang trabaho nila. Hindi ba dapat alam nila sa lahat ng oras na ginagawa nga ang trabaho nila? Bakit iimbestigahan lang kapag may kahihiyang nangyari na? May narinig akong kasabihan na ang isda sa ulo nagsisimula ang pagkabulok.
Baka dapat sunugin na lahat ng upuan sa mga terminal ng NAIA at bumili ng bago. Para masigurado. Kung reremedyuhan na naman sigurado may makakalusot diyang peste kasi wala na sa budget ang masuring paglinis. At kung may mangyari man sa imbestigasyon sa Senado tungkol sa lumalaganap na peste sa NAIA at may nadiskubreng may nagkulang sa kanyang responsibilidad hinggil dito, palitan na kaagad.
- Latest