^

PSN Opinyon

Editoryal - Hindi makatarungan

Pilipino Star Ngayon
Editoryal - Hindi makatarungan

Anim na pulis ang sangkot sa pagkamatay ng 17-anyos na si Jerhode “Jemboy” Baltazar noong Agosto 2, 2023 na biktima ng mistaken identity. Su­balit, isa lamang sa mga pulis ang hinatulan ng Na­votas Regional Trial Court ng apat hanggang anim na taong pagkakakulong dahil sa homicide at pinagbabayad din ng P50,000 para sa moral at civil damages. Ang apat na pulis ay guilty naman sa kasong illegal discharge of firearms at hinatulang mabilanggo ng hanggang apat na buwan. Ang ikaanim na pulis ay pinawalang sala naman ng korte.

Ang nahatulan ng apat hanggang anim na taong pagkabilanggo ay si Staff Sergeant Gerry Sabate Ma­liban ng Intelligence Service (IS) samantalang ang apat na pulis ay sina Executive Master Sergeant Roberto Dioso Balais Jr., Staff Sergeant Nikko Pines Corollo Esquillon (SWAT) at Patrolman Benedict Danao Ma­ngada. Si Staff Sergeant Antonio Balcita Bugayong ng Intelligence Service ay naabsuwelto.

Halos madurog ang puso ng mga magulang ni Jemboy sa hatol sa anim na pulis. Pinatay nang walang awa ang kanilang anak subalit hindi makatarungan ang hatol. Parang manok lamang umano na pinagbabaril ang kanilang anak subalit magaan ang parusa sa mga pumatay. Kinasuhan na umano ng murder ang mga pulis subalit nagbago ang desisyon. Aapela umano sila sa Supreme Court. Hindi umano sila titigil hangga’t hindi nakakamit ang hustisya. Ayon sa ina ni Jemboy sob­rang sakit nang nangyari sa kanilang anak.

Maski si Justice Secretary Crispin Remulla ay nagpakita ng pagkadismaya sa hatol sa mga akusado. Ipinag-utos niya ang pagrepaso sa kaso. Pinayuhan naman ng PNP ang mga pulis na mag-ingat sa pagsa­sagawa ng operasyon. Nararapat sumunod sa batas upang hindi na maulit ang pangyayari.

Malagim ang nangyari kay Jemboy. Ayon sa report­ nasa bangka umano si Jemboy kasama ang kaibigan­ at naghahanda para sa pagpunta sa laot nang mama­taan ng mga pulis at walang anumang pinaputukan. Walang warning shots. Napag-alaman na may body camera ang mga pulis pero hindi ginamit. Maraming tinamong tama si Jemboy sa iba’t ibang bahagi ng katawan partikular sa mukha at ulo.

Inamin ng Navotas police na “mistaken identity” ang nangyari kay Jemboy. Inamin din ng hepe ng anim na pulis na hindi nakipagkoordinasyon ang mga ito sa ginawang drug operation.

Hindi makatarungan ang hatol sa mga pumatay kay Jemboy. Nararapat pang iakyat sa Kataas-taasang Hukuman para mahukay ang katotohanan. Marami nang nangyaring ganito. Harinawang mahanap ang totoong hustisya sa pagkamatay ni Jemboy.

JEMBOY BALTAZAR

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with