Quiboloy dapat harapin ang batas
Kahit iba ang pananampalataya ni Apollo Quiboloy hindi siya dapat husgahan ng sino man sa mga ipinaparatang sa kanyang kasong human trafficking at iba pang mabigat na asunto. Siya ay presumed innocent habang wala pang hatol na ibinababa laban sa kanya ang alinmang korte sa loob man o sa labas ng Pilipinas.
Ang tanging aktibong dumidinig lamang sa kaso niya “in aid of legislation” ay ang Kamara de Representante at maliban sa video na ipinaabot niya sa hearing, wala ang personal niyang presensiya. Higit na makabubuti na harapin niya ang anumang subpoena na ipadadala sa kanya at patunayan kung sadyang walang katotohanan ang mga paratang sa kanya.
Kahit ang Panginoong Hesukristo ay hindi nagtago sa kanyang mga tagausig hanggang sa siya ay mahatulan ng kamatayan sa pamamagitan ng pagpako sa Krus. Ang Diyos man ay nagbibilin sa atin na sumunod sa batas dahil walang anumang administrasyon ang hindi itinalaga ng Diyos. Lahat nang umiiral na pamahalaan saan mang dako ng mundo ay may basbas ng Diyos.
Napakabigat ng mga kaso sa kanya na may kasama pang panghahalay sa mga miyembro niya na magagandang babae. Kung talagang siya at appointed son of God, ano ang dapat niyang ipangamba?
Tiyak na ang Diyos ang gagawa ng paraan para maligtasan niya ang asunto kung siya ay nasa katwiran. Ngunit tanging sariling salita lang niya ang kanyang depensa. Na kasinungalingan ang akusasyong rape at hinahabol lang siya ng mga babaeng accusers niya dahil sa siya’y “mayaman”.
Ang pangingilag sa batas ay palatandaan ng kasalanan. Ngunit kung isusuko niya ang sarili upang harapin ang mga kaso, tiyak ko na tataas pa ang kanyang kredibilidad.
- Latest