Menopause sa lalaki
Kung ang babae ay may menopause, ang mga lalaki naman ay may andropause. Iba ang sintomas ng menopause sa babae kumpara sa lalaki.
Ang menopause sa babae ay biglang dumarating ng mga edad 45 hanggang 55, kung saan hihinto na ang pagreregla ng babae. Tumitigil na ang paggawa ng itlog (egg cell) ng babae at biglang babagsak ang lebel ng estrogen sa katawan. Dahil dito, nakararamdam ang babae ng pag-iinit ng katawan (hot flushes), irregular na regla, pagkabalisa, hindi makatulog at pag-iinit ng ulo.
Kumunsulta sa OB-gynecologist para malunasan ito.
Andropause sa lalaki:
Ang andropause ay posibleng mangyari sa mga lalaki. Ito ang tinaguriang “male menopause.”
Mula sa edad 30 ay unti-unti nang bumababa ang lebel ng testosterone ng lalaki ng 1% kada taon. Pagdating ng edad 70 ay posibleng bumaba na ang lebel ng testosterone ng halos 50%. Dahil dahan-dahan ang pagbaba ng testosterone at hindi ito gaano napapansin ng kalalakihan.
Ang sintomas ng andropause ay ang (1) pagbawas ng gana sa sex, (2) lumiliit na mga masel ng katawan, (3) panghihina, at (4) pagbaba ng kumpiyansa sa sarili (low self confidence). Ang iba naman ay nalulungkot at nahihirapang matulog.
Para malaman kung mababa ang iyong testosterone, puwede itong ipasuri sa laboratoryo sa pamamagitan ng blood test.
Ano ang solusyon sa andropause? Una, kumain ng masustansya at ituloy ang regular na ehersisyo. Pangalawa, magpa-check up sa doktor para malaman kung may ibang dahilan ang iyong nararamdaman. Baka naman hindi andropause ang sanhi ng sintomas mo.
Mag-ingat din sa pag-inom ng mga supplements para sa testosterone. Hindi pa tiyak ang benepisyo at peligro nito. Kumunsulta sa inyong doktor.
- Latest