Ramdam na ramdam na nating lahat ang paparating na Chinese New Year! Paano nga ba natin maiimbitahang pumasok ang mas maraming suwerte sa ating buhay? Ating nakasama ang natatanging feng shui expert na si Patrick Lim Fernandez ng Yin & Yang Shop of Harmony sa New World Makati Hotel para makakuwentuhan tungkol dito.
Handa ka na ba para sa Year of the Wood Dragon?
Dahil ito ang taon nila, ang mga ipinanganak sa Year of the Dragon ay hinihikayat na gamitin ang kanilang mga talento at kakayahan para sa kabutihan at para mapaganda ang buhay ng iba.
Ayon kay Patrick, ang mga ipapanganak sa taong ito ay magtatamo ng virtues na tulad ng majesty, power, influence, at benevolence.
Ano nga ba ang mga maaasahan natin sa Year of the Wood Dragon?
- Dahil sa young wood energy, magiging mas mabilis ang pag-unlad natin. Ngunit medyo magiging mahirap naman ang paghahanap ng compromise o bagay na agad na mapagkakasunduan ng lahat dahil sa 2024 ay marami ang makakasalamuha natin na talagang matibay ang mga paninindigan.
- Susuwertehin naman ang mga larangan ng consulting, knowledge industries, at mga may kaugnayan sa kalikasan. Ayon kay Patrick, ang mga sektor ng edukasyon, furniture-making, clothing, accounting, legal business, at maging ang journalism ay inaasahan ding magkakaroon ng magandang taon. Samantala, hindi gaanong ka-suwerte ngayon ang mga nasa entertainment industry. Pero dagdag ni Patrick, maganda pa ring gamitin ito para isulong ang inyong mga adbokasiya.
- Para sa mga nasa pulitika, mag-iiba ang inyong suwerte depende sa inyong animal sign. Kolaborasyon ang susi para sa anumang tagumpay ngayong taon.
Mga maaaring gawin bilang paghahanda sa Chinese New Year
Maglinis at itapon ang mga gamit na hindi na napapakinabangan, at magpagupit din para sa mas maaliwalas na pakiramdam. Makipag-ayos sa mga mahal sa buhay kung mayroon di-pagkakasundo, at hangga't maaari ay bayaran ang mga utang.
Sa mismong bisperas, maglagay ng mga bulaklak. Punuin ang mga bigasan, at lagyan ito ng mga angpao na may 168 o 188 pesos. Ayon pa kay Patrick, bagong damit at underwear ang
Isuot para mas maging masuwerte.
At alam ninyo bang pagdating sa Chinese tradition, ang prutas na inihahanda ay hindi labindalawa, kundi lima lamang?
"Mas economical ito. Ang inilalagay para gumanda ang suwerte ay ang suha, orange, pinya, mansanas, at dragonfruit," paliwanag ni Patrick. Dagdag pa niya, dapat even number o pares-pares ang bilang ng mga prutas kapag idi-display na.
Sa mismong araw ng pagdiriwang, iwasan ang pagwawalis at paggugupit para hindi palabasin o maputol ang suwerte. At sa pamimigay ng ang pao, mas mahalaga pa rin ang diwa ng pamimigay kumpara sa laman nito.
Mga gabay para sa bawat animal sign
Padating sa pera at pinansyal na aspeto, ang ox, tiger, at goat ang masuwerte sa taong ito. Para mas gumanda pa ang suwerte, may mga charm na tulad ng Wealth Bucket at Silver Choi San na nag-iimbita ng magandang daloy ng pera sa ating buhay.
Ang ox, rabbit, monkey, snake, at pig naman ang pinapaboran ng taong ito pagdating sa suwerte sa career. Bagay sa kanila ang Garlic of Opportunity at Walnut of Knowledge (o Wisemen Walnut), na nagbubukas ng pinto para sa mas marami pang oportunidad.
Para naman sa mga pulitiko at mga lider ng kumpanya o mga organisasyon, mas makatutulong ang personal reading ng inyong kapalaran, lalo na ang mga ipinanganak sa year of the tiger, rat, dragon, rooster, at dog.
Para sa mga nais patamisin ang relasyon, ito ang taon para sa mga snake, horse, at rooster. Ang mga natatanging charm para mas tumibay ang inyong pagsasama ay ang Happy Couple at Magpie.
Pinag-iingat ni Patrick ang mga pinanganak sa Year of the Rat, Dragon, Goat, at Monkey ngayon taon dahil sa "conflict star" na nasa kanilang mga chart. Umiwas sa mga potensyal na away o hindi pagkakasundo at ingatan ang sarili.
Ang mga pinanganak sa Year of the Rabbit, Dragon, at Horse ay dapat mag-ingat sa kanilang kalusugan. Para naman sa mga animal sign na rat o snake, hangga't maaari, iwasan ang mga aktibidad na maglalagay sa inyo sa kapahamakan. Payo ni Patrick, maaaring "unahan" ang sakit sa pamamagitan ng pagbibigay ng blood donations. Ang Longevity Coins ng Yin & Yang Shop of Harmony ang isa sa mga charm na makatutulong sa pagbabantay sa ating kalusugan.
Ano nga ba ang lucky colors ng Year of the Wood Dragon? Ayon kay Patrick, may tatlong kulay na magdadala ng suwerte sa ating buhay ngayong taon. Una, ang mga matitingkad na kulay tulad ng pula o dilaw para sa mga selebrasyon. Pangalawa, ang kulay na berde o luntian na kaugnay ng elemento ng taon. Ang pangatlong kulay ay nag-iiba sa bawat tao. Kung nais mong malaman ang kulay na para sa'yo, bisitahin lamang si Patrick sa Yin & Yang Shop of Harmony!
Pagsalubong na puno ng saya sa New World Makati Hotel
Pagkatapos ng ating masayang pangungumusta ng kapalaran para sa Year of the Wood Dragon, nagkaroon din tayo ng pagkakataon na makakuwentuhan ang executive chef ng Jasmine restaurant na si Brandon Ng.
Ipinasilip sa atin ni Chef Brandon ang mga inihahandang putahe para sa Chinese New Year. Kabilang dito ang ang Red Auspicious Sweet Sour Prawns with cantaloupe, na sumisimbolo sa "taon na puno ng tamis at saya;" ang Steamed Live Garoupa, na inihahain nang buo para sa masaganang buhay; at ang Braised Whole Abalone, na nagdadala ng "magandang kapalaran (lalo na kung inihahanda para sa mga espesyal na okasyon tulad ng mga kaarawan at Chinese New Year).”
Isa sa mga talagang nakakatakam ay ang Suckling Pig na sumisimbulo sa “kasaganahan at pagiging buo."
At nariyan din ang nian gao o tikoy na hindi mawawala sa hapagkainan ng mga nagdiriwang ng Chinese New Year.
Naging isa na ang Jasmine restaurant sa mga nangungunang destinasyon para sa mga Filipino-Chinese na naghahanap ng venue para magdiwang ng mga mahahalagang okasyon.
"Ang pagiging metikuloso sa detalye, pati na sa aming service sa mga guest, at ang atensyon sa aming mga inihahanda na siyang signature culinary style namin ang dahilan kaya't patuloy ang suporta sa amin ng mga Fil-Chi at mga Chinese," dagdag ni Chef Brandon.
Hindi maikakaila na ang New World Makati Hotel ang isa sa mga pangunahing destinasyon para sa mga nagnanais ng masayang pagsalubong sa Chinese New Year.
Bukod pa sa hatid na suwerte, saya, at pag-asa ng bawat pagdiriwang ng bagong taon, maaari pa nating gawing mas espesyal ang pagsalubong nito kung kasama ang pamilya sa isang memorable stay.
Mula sa inyong Tita Jing, Gong Xi Fa Cai sa bawat isa!
___
Sundan ang aking social media accounts: Instagram, Facebook, YouTube, Tiktok, Twitter at Kumu. Ibahagi ang inyong mga mungkahi at reaksyon sa editorial@jingcastaneda.ph. Panoorin ang Pamilya Talk sa Facebook, YouTube, Kumu, at Jeepney TV (sa SkyCable Channel 9, GSat Direct TV Channel 55, at Cignal Channel 44, tuwing Sabado 5 p.m.).