Totoo na ang lahat ng nagsilbing Presidente ng bansa ay dapat igalang sa kanilang estado bilang dating namumuno ng bansa. Ang kanilang tinig ay dapat dinggin ng incumbent leaders kung ito’y para sa ikabubuti ng bansa.
Sila’y maituturing na eldermen na puwedeng magbigay ng payo sa nanungkulang Presidente ng bansa. Ngunit kung ang adbokasya nila ay para sa ikahahati ng bansa tulad ng isinusulong ni Rodrigo Duterte, sila’y nagiging law offenders at dapat marahil ituring na kriminal sa pagsulong ng mga pagkilos na labag sa Konstitusyon.
Ang paggiit na ihiwalay sa Pilipinas ang Mindanao ay rurok ng katrayduran at matatawag na seditious. Sa isang social media message, sinabi ni dating spokesman Harry Roque na tinawagan daw siya ni Duterte upang sabihing may mga militar na arestuhin siya. Kung totoo iyan, may dahilan naman.
Mabigat na kasalanan sa Inambayan ang tangkang hatiin ito. Lalong karumal-dumal iyon kapag ang gumawa ay isang dating Presidente tulad ni Duterte. Palagay ko, walang Pilipinong nasa katinuan ang isip ang sumusuporta sa ganyang kabaliwang ideya.
Nanguna si Presidente Marcos sa sectoral meeting ng mga opisyal ng pamahalaan at ayon kay Interior and Local Government Sec. Benhur Abalos, dinedma sa pagpupulong ang isyung paghahati sa Mindanao. Tama iyan.
Wala sa hulog ang ikinikilos ni Duterte at hindi na dapat sagutin ni Marcos. Wika nga, ang mga pinagsasasabi ni Duterte don’t deserve to be dignified.
Basta alam na ng mga kinauukulang opisyal ang gagawin kapag isinulong ito ng puwersahan. Hindi na kailangang magpalabas ng direktiba ang Presidente dahil may batas na susundin na lang. Kaya makabubuti kung si Duterte at kanyang mga tagasunod ay maglubay na sa kanilang kabaliwan.