^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Dumami ang mga nagugutom

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Dumami ang mga nagugutom

Maraming pamilya ang nakararanas ng gutom, batay sa ginawang surbey ng Social Weather Station (SWS) noong Disyembre 2023. Ayon sa SWS, 12.6 percent ng mga pamilya ang nagsabing nakaranas sila ng gutom sa nakalipas na tatlong buwan o noong Oktubre, Nobyembre at Disyembre 2023. Ayon pa sa SWS, ang insidente ng pagkagutom ay naranasan sa Mindanao (5.3 percent), Metro Manila (4.6 percent), Balance Luzon (4.0 percent) at Visayas (2.6 percent).

Ang nararanasang kagutuman ng mga Pilipino na hindi na nababago sa mga surbey ay nakapagbibigay ng agam-agam. Bakit may mga nagugutom gayung ang laging sinasabi ng pamahalaan ay natutugunan ang mga pangangailangan ng mamamayan partikular na ang mga mahihirap.

Sa Metro Manila at Mindanao ay nananatiling ma­taas ang bilang ng mga nagugutom o ang mga nagsasabing wala silang makain. Ibig sabihin, nananatili pa rin ang kasalatan nang marami at wala silang maipantustos sa pang-araw-araw na pamumuhay. Marami pa rin ang walang trabaho na tumutugna naman ito sa lumabas na surbey kamakailan na problema pa rin ang unemployment sa bansa.

At maaaring tama na mataas ang bilang ng mga nakararanas ng gutom sa Metro Manila at Mindanao dahil nga sa kawalan o kakulangan ng trabaho. Kahit nawala na ang bangis ng pandemya, hindi pa rin naka­babangon ang ekonomiya kaya walang maipagkaloob na trabaho sa mamamayan.

Madalas ang pagbibiyahe ni President Ferdinand Marcos Jr. sa iba’t ibang bansa. Mula nang umupo sa puwesto noong 2022, nakabiyahe na siya ng 18 beses. Dalawang beses na siyang nakabiyahe sa United States. Sa bawat pagbisita niya sa mga bansa, lagi niyang sinasabi na nakakuha siya ng investment package. Iyon daw ang maganda niyang pasalu­bong sa mamamayan. Marami raw ang nagnanais magne­gosyo sa Pilipinas.

Pero sa kabila na maraming bansa ang nangakong mag-i-invest sa Pilipinas, wala pa ring pagbabago sa eko­nomiya ng bansa. Hindi maramdaman ang pag-angat o pag-unlad. Hindi kaya pawang pangako lamang ang ginagawa ng mga bansang dinadalaw ng Presidente?

Marami ang nakararanas ng gutom at kung hindi magkakaroon ng pagkakakitaan ang nakararaming Pilipino, nahaharap sa matinding pagsubok ang bansa. Nararapat na makalikha nang maraming trabaho at magagawa iyan kung ang pagtutuunan ng pamahalaan ay ang pagpapaunlad sa agrikultura na dating hawak ng Presidente.

Habang marami ang nakararanas ng gutom, ang mga mambabatas naman ay nagkukumahog sa pag-amyenda sa Saligang Batas. Unahin muna sana nila ang mga pag­ka­kakitaan para may mailaman sa nag-aalburutong sikmura.

SOCIAL WEATHER STATION

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with