China may sariling batas pandagat
Isangdaan limampu’t pitong bansa ang pumirma ng United Nations Convention on the Law of the Sea mula 1982. Kabilang diyan ang China, Pilipinas, Brunei, Indonesia, Malaysia, Thailand, at Vietnam.
Ang UNCLOS ay tratado ng mga bansang may dagat. Saad dito na ang teritoryong dagat ay hanggang 12 milya mula pampang (‘yan ang distansiya ng putok ng bala ng kanyon). Mula sa pampang hanggang 200 milya ay exclusive economic zone ng bansa.
Siya lang ang maaring mangisda at umani ng yamang dagat – langis, gas, rare metals, buhangin, iba pa. Maari lang makiraan ang barko ng ibang bansa.
Hindi sumusunod ang China sa UNCLOS. Nagpapatupad ito ng sariling batas pandagat. Diktadurya kasi doon ng China Communist Party. Hindi sangay ng estado ang People’s Liberation Army. Private army ito sa ilalim ng CCP Military Commission. Si Xi Jinping ang chairman ng CCP at ng Military Commission.
Inaangkin ng China ang buong South China Sea. Pati mga dagat ng limang kapitbansa ay tinuturing niyang kanya maski lampas na sa 12-milya teritoryong dagat at 200-milya EEZ niya.
Kunwari’y “sinaunang kasaysayan” ang batayan ng pag-angkin sa SCS. Kesyo may nine- o ten- o 11-dash line raw sila. Pero hindi ‘yon tinatanggap sa ilalim ng UNCLOS na pinirmahan ng China.
Pinapasok ng CCP Navy ang EEZ ng mga kapitbansa. Hinihinto, sinasampa at pinapuputukan ng China Coast Guard ang mga barko ng ibang bansa ku’ng may hinalang krimen o maski kursunada lang.
Hindi puwedeng ituring na matinong bansa ang China sa ilalim ng CCP. Barbaro ito. Kumbaga, sa batas panloob ng mga bansa, kriminal ang China. Ibukod ang pagtrato sa magnanakaw na ito.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest