Kinumpirma ni Armed Forces of the Philippines Chief General Romeo Brawner Jr. na kinausap si Chinese ambassador to the Philippines Amb. Huang Xilian tungkol sa mga isinasagawang resupply missions sa West Philippine Sea (WPS). Sinabihan daw niya na hindi sa kanila ang teritoryong iyan at bahagi ng exclusive econinic zone natin. Sinabihan na huwag naman harangin ang resupply missions, mas lalo na mga sibilyang barko tulad ng Christmas convoy at mga sibilyan lang sila na nagdadala ng konting kasiyahan para sa mga tao sa Ayungin Shoal.
Sumagot daw si Huang na tayo ang nanduduro sa kanila kung saan kinontra ni Brawner na sila ang nanduduro. Ganun ang naging diskusyon, wala namang pinagkasunduan at parehong iginigiit ang mga posisyon sa isyu sa WPS. Ako sa tingin ko walang magbabago sa kilos ng China Coast Guard (CCG) at magpapatuloy ang kanilang kabastusan sa ating mga barko, maging sibilyan o coast guard.
Kinausap din ni Brawner si United States Joint Chiefs of Staff Chairman General Charles Brown Jr. tungkol sa seguridad sa rehiyon. Pinag-usapan ang mga kilos ng CCG sa WPS. Walang binanggit si Brawner kung ano ang kinatapusan ng kanilang usapan. Iminungkahi naman ni dating Senior Associate Justice Antonio Carpio na kausapin ang U.S. para samahan sila sa mga resupply missions. Walang binanggit si Brawner kung ano ang naging sagot ng U.S. sa mungkahi na iyan.
Nais din ni Carpio na magtayo ng lighthouse o marine research center ang Pilipinas sa Ayungin Shoal kasi ang mga ginagawang resupply missions ay aktibidad ng militar. Kung may sibilyang gusali tulad ng lighthouse o research center, magiging sibilyan ang mga resupply missions. Pero siguradong mas haharangin ng CCG iyan. Kung ang BRP Sierra Madre ay gigil na gigil nang tanggalin ng China, mas lalong hindi sila papayag na magtayo ang bansa ng bagong istruktura.
Mabuti at kinausap ni Brawner ang mga katapat sa U.S. Kailangang maging malinaw sa kanila ang mga pangyayari sa WPS. Hindi ito hihinto, kahit ilang reklamo sa Beijing o patawag sa kanilang ambassador ang gawin. Igigiit na kanila ang halos buong karagatan. Kaya hindi rin tayo dapat tumiklop sa ating pag-aangkin kung ano ang sa atin. Atin Ito, ika nga ng Christmas convoy. Dapat matuloy ang mga sibilyang barko, na sana ay samahan na ng Philippine Coast Guard, hukbong karagatan natin, o ng U.S. mismo.