MARAMING twist and turn na naganap sa sumbong ng mga magsasaka sa San Simon, Pampanga. Nadiskubre ng BITAG na bukod sa trayduran ay may siraan at gibaang nagaganap sa pagitan nang malalaking planta sa bayan.
Halos dalawang buwan nang sarado ang unang inirereklamo na planta ng pagawaan ng aluminum. Subalit, habang kinukumpleto ang mga requirements para muling makapagbukas, tinupad nila ang kanilang pangako. Muling binuksan ng planta ang kanilang pintuan para sa BITAG upang ipakitang inaayos nila ang mga gusot na naging perwisyo sa komunidad. Kinausap nila ang mga nagrereklamong residente’t magsasaka at tumulong sa kanilang mga pangangailangan, ipinagawa ang lubak-lubak na kalsada at irrigation canal na nagbara.
Eksklusibong ipinakita ng planta ang kanilang bagong gawang pollution control device na kailangang aprubahan ng Department of Environment and Natural Resources-Environment Management Bureau (DENR-EMB). Kung ang One Sky Aluminum Extrusion Corp, naging seryoso sa kanilang pag-amin ng mga mali at pagtutuwid nito, kumusta naman ang iba pang malalaking planta na nakapaligid sa buong bayan ng San Simon.
Tandaan, ayon sa mga magsasakang nakausap ko ng personal, hindi lang One Sky ang kanilang inirereklamo. Matagal na silang may hinaing sa ibang planta subalit hindi raw sila pinakinggan ng Munisipyo. Sa gitna ng imbestigasyon ng BITAG, unti-unti naming nakita ang gibaan sa pagitan ng mga negosyanteng nagmamay-ari ng malalaking planta sa San Simon.
Kayong malaking tunawan ng bakal diyan sa San, Simon, Pampanga, bistado na kayo ng BITAG. Ginamit n’yo ang ibang magsasaka para hikayating magreklamo laban sa inyong kapwa planta o kakumpetensiya? Kuwidaw, dahil buking na kayo sa inyong estilo. Sa listahan ng DENR-EMB Region-3 na ibinahagi sa BITAG, kapansin-pansin na mas marami kayong paglabag na ginawa kesa sa inyong target.
Ang totoong dahilan ng gibaan at trayduran? Sino ang nasa likod nito? Ilalantad ng BITAG, wala akong sasantuhin sa inyo diyan sa San Simon, Pampanga kasama na mga opisyales ng munisipyo. Kayo ang dahilan ng perwisyong sinapit ng mga magsasaka ng mahabang panahon. Abangan!