EDITORYAL - Malayang nakagagalaw ang mga criminal
Naghahatid ng pangamba ang mga nangyayaring krimen ngayon. Kahit saang lugar ay nangyayari. May pinapatay sa loob mismo ng kanilang bahay, tindahan, tanggapan, at sa sasakyan partikular sa pampasaherong bus sa harap nang maraming tao. Saang lugar pa ba ligtas ngayon ang mamamayan?
Nakaka-shock ang nangyaring pagpatay sa dalawang pasahero ng bus habang naglalakbay sa Carranglan, Nueva Ecija noong Miyerkules ng tanghali. Banayad na tumatakbo ang Victory Liner bus sa bulubunduking lugar sa Bgy. Minuli, Carranglan, tumayo ang dalawang lalaking pasahero. Lumakad palapit sa dakong unahan ng bus. Pagtapat sa unahang upuan sa dakong kanan, bumunot ng baril ang isa sa mga lalaki at pinagbabaril ang babae at lalaki na nakaupo na pawang tinamaan sa ulo.
Pagkatapos ang pamamaril, inutusan ng isa sa gunmen ang drayber na ihinto ang bus. Mabilis na bumaba ang dalawang lalaki at pumasok sa magubat na bahagi ng lugar. Ang mga pasahero na natulala sa bilis ng mga pangyayari ay hindi agad nakakilos.
Ini-report ng drayber ang nangyari sa Station Compac sa Bgy. Joson at sinuyod ng mga pulis ang lugar kung saan bumaba ang mga gunmen. Hindi na nakita ang mga criminal. Ang pangyayari ay nakunan ng CCTV ng bus.
Kung sa loob ng bus ay hindi ligtas ang mamamayan, ganito rin ang nangyayari sa loob ng bahay. Patunay dito ang ginawang pagpatay sa broadcaster na si Juan Jumalon noong nakaraang linggo. Pinasok si Jumalon ng dalawang lalaki sa kanyang opisina sa loob ng kanyang bahay at pinagbabaril habang nagla-live broadcast. Patay si Jumalon.
Kahapon, isang barangay kagawad sa Davao del Norte ang pinagbabaril sa loob mismo ng kanyang tanggapan. Mabilis na tumakas ang mga suspect. Noong nakaraang linggo isa pang barangay kagawad sa Pasay ang pinagbabaril at napatay.
Saang lugar pa ligtas ngayon ang mamamayan? Sa nangyaring pagpatay sa dalawang pasaherro ng bus sa Nueva Ecija, marami ang natakot na mag-commute ng bus. May pangamba sila na ang kasakay ay may baril at malayang papatay.
Tiyak na maghihigpit ang mga kompanya ng bus dahil sa nangyari. Mag-iinspeksiyon. Bawat pasahero ay idaraan sa masusing pagkapkap at kung anu-anong paghihigpit.
Pagkalipas ng isa o dalawang buwan, balik uli sa dating gawi. Balik uli sa ningas-kugon na pag-uugali.
- Latest