DIRECT recording electronic (DRE) voting o touchscreen ang orihinal na produkto ng Smartmatic. Ginamit ito ng kumpanyang Venezuelan sa Maguindanao nu’ng Halalan 2008 sa Autonomous Region in Muslim Mindanao. Pinipindot lang sa computer screen ang pangalan ng kandidato para iboto.
Ginamit ng kakompetensya niya sa Lanao-Sulu-Basilan-Tawi-Tawi ang precinct count optical scanner (PCOS). Minamarkahan ang bilog sa gilid ng pangalan ng kandidato sa balota. Binibilang ng PCOS lahat ng marka bilang boto.
Siniraan ng Smartmatic ang PCOS. Madali ito dayain at mali-mali ang bilang ng boto, anang Venezuelan executives. Magkakagulo ang lipunan sa gan’ung sistema, babala nila sa company website.
Nu’ng sumunod na taon, 2009, nagpa-bidding ang Comelec ng pambansang automated election system. Nagulat ang lahat nang iprinesenta ng Smartmatic ang mismong PCOS na sinisiraan nila. Tahimik na sila sa dati nilang giit na madaya at palpak ang PCOS.
Walang karanasan ang Smartmatic noon sa pambansang halalan maliban sa sariling Venezuela. Dapat dun pa lang ay disqualified na sila, batay sa bidding terms of reference. Tapos, nung product demonstration, umusok at nasunog ang baterya ng PCOS machine ng Smartmatic. Muli, du’n pa lang, dapat disqualified din sila.
Pero pinapanalo ni noo’y Comelec chairman Jose Melo ang Smartmatic. Diniskwalipika niya ang mga batikang kumpanyang Amerikano na Election Systems & Software at Sequioa, pati mga ekspertong election suppliers sa Europe.
Sa pagkadismaya, nagbitiw si Atty. Melchor Magdamo bilang chief of staff ni chairman Melo. Bawat halalan mula nu’n – 2010, 2013, 2016, 2019, 2022 – binabatikos ni Magdamo ang pagkontrata sa Smartmatic at mga tiwaling bilangan ng boto.