ANG mga prutas at gulay na kulay orange at dilaw ay kadalasang mabuti sa mata, balat, baga at immune system. Ang mga pagkaing ito ay may taglay na beta-carotene (Vitamin A), lycopene, flavonoids, potassium, at Vitamin C. Makatutulong ang mga sangkap na ito para maiwasan ang sakit sa mata (age-related macular degeneration), mapababa ang bad cholesterol at maiwasan ang kanser.
Narito pa ang mga halimbawa:
1. Carrots
Ayon sa mga eksperto, ang carrots ay makatutulong sa ating paningin, balat at panlaban din sa kanser dahil sa taglay nitong Vitamin A, C at E. Ayon sa ilang pagsusuri, ang carrots ay makababawas sa tsansang magkaroon ng kanser. Nagpapasigla rin ito ng balat at nababawasan ang wrinkles. Isa pa, nakakapayat din ito dahil 35 calories lang ang kalahating tasa ng carrots.
2. Kamote
Ang kamote ay mayaman sa starch, fiber, beta-carotene, folate, potassium at Vitamins B6, C at E. Dahil dito, napakasustansya nito at mabilis pang makabusog. Ayon sa pag-aaral, ang kamote ay posibleng makapigil sa pagkakaroon ng lung cancer sa mga taong naninigarilyo.
3. Orange, lemon, dalandan at kalamansi
Ang mga prutas na ito, na kung tawagin ay citrus fruits ay punumpuno ng Vitamin C. Makatutulong ang Vitamin C sa mga may sipon, hika, osteoarthritis at rheumatoid arthritis. Pinapalakas nito ang immune system. May taglay din itong folate at potassium. Ang folate ay nagpapababa ng isang masamang kemikal sa katawan na tinatawag na homocysteine at makatutulong sa may sakit sa puso.
4. Pinya
Ang pinya ay may sangkap na bromelain, na makatutulong sa pagtunaw ng ating pagkain at makababawas sa pamamamaga sa ugat. Mayaman din ito sa manganese at Vitamin B, na nagbibigay ng lakas. Mataas din ito sa Vitamin C. Ang isang tasa ng pinya ay may 75 calories.
5. Papaya
Katulad ng ibang pagkaing kulay orange, ang papaya ay may sangkap na beta-carotene at Vitamin C. Dahil dito, may benepisyo ito sa ating balat at immune system. Ang papaya ay may taglay na papain, isang enzyme na tumutulong sa pagtunaw ng ating kinain. Para sa mga taong tinitibi, ang papaya ay nagpapalambot ng dumi. Maganda rin ito sa may edad para maging normal ang kanilang pagdumi.
6. Mangga
Ang mangga ay mayaman sa Vitamin C na mahalaga sa pagpapatibay ng blood vessels at healthy collagen. Mayaman din ito sa beta-carotene. Ang beta-carotene ay antioxidant.
7. Mais
Ang mais ay mayaman sa Vitamin C, isang antioxidant na tumutulong sa cells para hindi masira. Tumutulong din para hindi magkaroon ng cancer at sakit sa puso. Ang dilaw na mais ay mahusay sa mata at pinuprotektahan ang lens ng mga mata upang hindi magkaroon ng cataracts.
8. Kalabasa
Ang kalabasa ay mayaman sa Vitamins A, B at C at ganundin sa fiber at potassium.