ANG leptospirosis ay sakit na nagmumula sa ihi o dumi ng hayop, partikular na ang daga.
Nakukuha ito sa pagkain ng kontaminadong pagkain o tubig, o kaya kapag pumasok ang bacteria sa katawan sa pamamagitan ng bibig, ilong, mata o sa mga sugat o hiwa.
Kabilang sa mga sintomas ng leptospirosis ay lagnat, pananakit ng katawan, sakit ng ulo, pamumula ng mata, at panginginig. Kapag hindi naagapan, maaari itong humantong sa pagkasira ng atay, bato at utak.
Tuwing panahon ng tag-ulan, tumataas ang bilang ng sakit na ito, dahil sa tubig-baha na kontaminado ng ihi o dumi ng daga.
Nitong mga nagdaang araw at linggo, sunud-sunod na bagyo at ulan ang tumama sa Metro Manila na nagresulta sa pagbaha sa ilang bahagi ng ating siyudad.
Ang resulta, umakyat ang bilang ng kaso ng leptospirosis sa ating lungsod. Sa datos ng Quezon City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (QCESU), naitala ang 26 kaso ng leptospirosis mula Hulyo 22 hanggang Agosto 4. Noong Agosto 1, 10 kaso ang naitala sa ating siyudad, pinakamarami sa isang araw.
Agad naman nating pinakilos ang QCESU para matutukang mabuti ang problemang ito. Nagpamigay na ang tanggapan ng Doxycycline o antibiotics kontra impeksiyon sa mga barangay health centers.
Binigyan din natin ng sapat na supply ang frontline responders ng Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) ng ating siyudad para mayroon silang maibigay oras na kailanganin ng ating QCitizens.
Ibibigay ang antibiotics bilang prophylaxis sa mga high-risk individual, lalo na ang mga lumusong sa baha, upang mabawasan ang banta ng impeksiyon.
Puwede rin itong gamiting early treatment sa mga indibidwal na na-diagnose ng leptospirosis. Mahalaga na ma-diagnose nang maaga ang sakit na ito upang maiwasan ang malalang kumplikasyon na maaaring humantong sa pagkakaospital.
Payo ko sa QCitizens, magpatupad ng preventive measures, gaya ng pag-iwas sa paglangoy sa tubig-baha, at palagiang pagsusuot ng protective clothing tulad ng boots, gloves, at mask tuwing may pagbaha.
Sabi nga, it’s better safe than sorry.