^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Anong hinihintay ng PS-DBM?

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Anong hinihintay ng PS-DBM?

Nagiging kontrobersiyal na naman ang Procurement Service of the Department of Budget and Management (PS-DBM). Makaraan ang isang taon nang pananahimik at wala ni isa mang lumabas na balita ukol sa tanggapang ito, bigla na namang may lumutang na kontrobersiya makaraang ibulgar ng Commission on Audit (COA) na hanggang ngayon, hindi pa inaalis ng PS-DBM sa kanilang listahan ang supplier ng mga overpriced at outdated na laptops para sa Department of Education (DepEd).

Ayon sa COA, noong nakaraang taon, inirekomenda nila sa PS-DBM na alisin na sa listahan ang mga supplier ng laptops na kinabibilangan ng Sunwest Cons­truction and Development Corporation, LDLA Marketing and Trading at VST-ECS Philippines Incorporated. Ang tatlong suppliers ang pinaboran ng PS-DBM sa tatlo pang suppliers na lumahok sa bidding.

Inirekomenda ng COA sa PS-DBM na kanselahin na ang kontrata sa tatlong suppliers sa lalong madaling­ panahon. I-blacklist na ang mga ito. Subalit hindi di­ninig ng PS-DBM ang rekomendasyon at hanggang nga­yon, nananatili pa ring nasa listahan ng PS-DBM ang tatlong suppliers.

Ano ang hinihintay ng PS-DBM at hindi sinusunod ang kautusan ng COA? May balak ba silang kunin muli ang tatlong supplier? Mayroon na naman bang “maitim” na balak ang PS-DBM at wala silang gina­gawang aksiyon?

Hindi malilimutan ang pagbili ng PS-DBM ng 39,000 na laptops na nagkakahalaga ng P2.4 billion noong 2021. Ang laptops ay gagamitin ng mga guro para sa kanilang online teaching. Subalit sa pag-iimbestiga ng Senado, nabulgar na overpriced ng P979 milyon ang mga laptops. Nabulgar din na outdated na ang mga mga laptop at hindi maaring gamitin sa online teaching. Nalaman din na hindi lamang mga guro ang napagkalooban ng laptops kundi pati ang mga non-teaching staff ng DepEd, kabilang ang regional directors. Ang perang ipinambili sa laptops ay allocated para sa pondo ng Bayanihan To Recover As One Act.

Sino ang makalilimot sa pangyayaring ito na ang pera ng bayan ang ginamit ng mga taga-PS-DBM para mag-procure ng mga laptops na ubod nang mahal subalit outdated pala. Nangyari ang anomalya habang ang bansa ay nasa pananalasa ng COVID-19. Marami ang maysakit at walang makain subalit ang pangu­ngurakot ang nasa isipan ng mga taga-PS-DBM.

Ngayon, patuloy pang nasa listahan ng PS-DBM ang mga supplier na kinutsaba nila para magsamantala sa pera ng mamamayan. Sundin ng PS-DBM ang utos ng COA—kung may natitira pa silang kahihiyan.

PS-DBM

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with