Hindi ka ba matunawan?
ANG hindi matunawan (indigestion) ang pangkalahatang tawag sa hindi komportableng pakiramdam sa sikmura. Ang indigestion ay hindi isang sakit ngunit ito ay pagpapakita ng sintomas tulad ng hindi matunawan, hirap sa pagdighay, pagkahilo, at pagkaimpatso pagkatapos kumain.
Maraming dahilan ang indigestion. Ang iba ay dahil sa kanilang lifestyle sa sobrang pagkain at iniinom na alak. Ang labis na pag-aalala, paninigarilyo, emotional trauma, mabilis na pagkain, at kondisyon gaya ng ulcer o gallstones (bato sa apdo) ay maaari ring dahilan ng indigestion.
Kung minsan ang taong may indigestion ay nakararanas din ng heartburn o pangangasim ng sikmura.
Narito ang mga paraan upang maiwasan ang indigestion:
1. Kumain ng pakonti-konti ngunit mas madalas
Kumain ng mas maraming gulay at prutas. Nguyain ang pagkain ng mabuti at dahan-dahan.
2. Iwasan ang mga “trigger foods”
Ang karaniwang nagdudulot ng indigestion ay ang matataba at maaanghang na pagkain, soft drinks, kape, pag-inom ng alak at paninigarilyo.
3. Panatilihin ang tamang timbang
Ang sobrang timbang ay naglalagay ng pressure sa iyong sikmura at maaaring maging dahilan ng stomach acid para umakyat sa lalamunan.
4. Mag-ehersisyo ng madalas
Ang pag-ehersisyo ay malaking tulong para hindi tumaba at umayos ang iyong panunaw.
5. Limitahan ang stress
Magkaroon ng sapat na tulog. Maglaan ng oras sa mga bagay na gustong gawin. Maaari rin mag-meditate o mag-yoga.
6.Suriin ang iyong mga gamot
Sumunod sa payo ng doktor kung kinakailangang inumin ang gamot. Ngunit ang gamot tulad ng aspirin at pain relievers (gamot sa kirot) ay pwedeng maka-irita at makasira sa lining ng sikmura. Kung kailangan talaga inumin ang gamot, kumain muna bago uminom ng gamot para mabawasan ang hapdi.
7.Uminom ng herbal tea na may peppermint
Mayroong mga taong nagiginhawahan sa pag-inom ng peppermint, ngunit hindi pa ito tiyak. Puwede namang subukan.
- Latest