Kalunus-lunos ang nangyari sa M/V Lady Mary Joy 3 nang masunog habang naglalayag sa Baluk-Maluk Island sa Basilan noong Miyerkules ng gabi. Sa huling report, 31 na ang namatay habang marami pa ang hinahanap. Patungong Jolo, Sulu ang barko galing ng Zamboanga City nang sumiklab ang sunog. Inaalam pa ang dahilan ng sunog. Ayon sa report ang barko ay may 430 na pasahero. Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) 230 ang nailigtas na pasahero. Ayon pa sa PCG, karamihan umano sa mga namatay ay dahil sa pagkalunod.
Ang pangyayaring ito ay nagpapaalala sa trahedya ng MV Doña Paz na nasunog din nang makabanggaan ang MT Vector noong Disyembre 1987 sa Tablas Strait sa pagitan ng Romblon at Mindoro. Pinakamatinding trahedya sa kasaysayan ang Doña Paz kung saan, 6,000 katao ang namatay. Marami sa mga namatay ay nasunog nang magtalunan sa tubig. Ayon sa report, overloaded ang barko nang maganap ang trahedya.
Marami pang trahedya sa barko ang naganap sa bansa. Paulit-ulit na lang ang mga pangyayari. At sa kabila ng mga ito, marami pa rin ang hindi nagkakaroon ng leksiyon. Ipinagpapatuloy pa rin ang pagyaot kahit overloaded sa pasahero. Marami rin na ipinipilit ibiyahe ang barko kahit hindi na puwede dahil sa kalumaan. Mayroong pinipeyk ang mga papeles ng barko para makapagpatuloy ng biyahe.
Ang lumubog na MT Empress Princess sa Naujan, Oriental Mindoro ay sinasabing lumang barkong pamasahero na kinumpuni lamang umano at ginawang tanker. Nang lumubog ito noong Pebrero 28, may karga itong 800,000 litro ng industrial oil. Tumapon ang langis at naperwisyo ang maraming bayan sa Oriental Mindoro. Nagugutom na ang mga mangingisda dahil bawal silang pumalaot.
Ngayong Semana Santa, dadagsa na naman sa mga pantalan ang mga taong uuwi sa probinsiya. Marami ang sasakay sa barko. Maging mahigpit sana ang Philippine Coast Guard sa pag-iinspeksiyon sa mga barko. Huwag payagan ang overloading. Tiyakin din na nasa magandang kondisyon ang mga barko bago ito payagang makaalis.
Matuto na sa mga nangyaring trahedya. Hindi na dapat maulit ang mga kalunus-lunos na pangyayari sa karagatan na maraming buhay ang nasasayang.