EDITORYAL - Huwag nang magpadala ng DH sa Kuwait kahit kailan
PANSAMANTALA lang ang pagsuspende ng pagpapadala ng Pinay household workers o domestic helpers (DH) sa Kuwait. Ibig sabihin, puwedeng ibalik muli ang pagpapadala ng DH sa nasabing bansa makaraan ang ilang buwan. Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), kapag naisaayos na ang isasagawang bilateral talks ng Pilipinas at Kuwait at nailatag ang mga reporma, ibabalik na ang pagpapadala ng DH. Balik muli ang pag-hire para sa domestic helpers.
Ang pagsuspende sa mga first time na nag-aplay para maging DH sa Kuwait ay inihayag noong Miyerkules makaraan ang isinagawang inquiry ng Senado na pinangunahan ni Sen. Raffy Tulfo. Tinanong ni Tulfo ang DMW kung sang-ayon ang ahensiya na itigil ang pagpapadala ng DH sa Kuwait. Ang sagot ni DMW Usec. Ma. Anthonette Velasco-Allones, sususpendihin ang pagpapadala ng first time o bagong hire na DH papuntang Kuwait. Ang mga dati o kasalukuyang nagtatrabaho sa Kuwait ay magpapatuloy naman sa paninilbihan. Ayon pa kay Allones, hinihikayat nila ang mga nag-aplay sa Kuwait na sa Hong Kong o sa Singapore na lamang mag-aplay.
Pansamantala lang ang suspensiyon sa deployment ng DH sa Kuwait at ibabalik din kapag naisaayos na ang mga problema. Ito ay sa kabila na sunud-sunod ang mga inabuso at minaltratong Pinay DH sa Kuwait. Tila wala pang epekto sa mga taga-DMW ang sunud-sunod na kaso ng mga Pinay na inabuso.
Nag-ugat ang suspensiyon sa deployment ng DH makaraang patayin ng 17-anyos na lalaking anak ng amo si Jullebee Ranara. Pagkaraang patayin, sinunog pa ang bangkay. Ayon sa awtopsiya, ginahasa si Ranara. Nahuli ang killer ni Ranara.
Noong nakaraang linggo, isang Pinay na naman ang minaltrato ng amo sa Kuwait. Ikinulong ang Pinay sa kuwarto nito makaraang bugbugin ng among babae. Sa takot ng Pinay, tumalon ito sa bintana mula sa third floor. Naparalisa ang ibabang bahagi ng katawan ng Pinay dahil sa maling pagbagsak sa semento.
Ang karumal-dumal na pagpatay sa Pinay DH sa Kuwait ay nangyari noong 2017. Ang pinatay ay si Joanna Demafelis. Makaraang patayin, inilagay ang katawan nito sa freezer. Noong 2018, pinatay si Constancia Dayag at noong 2019, pinatay si Jeanelyn Villavende. Maliban kay Demafelis na nahatulan na ang mga among pumatay, ang pagpatay kay Dayag at Villavende ay hindi pa nabibigyan ng hustisya.
Hindi suspensiyon ang dapat kundi total ban sa deployment ng mga Pinay DH sa Kuwait. Kapag inalis ang suspensiyon at tuloy uli ang pagpapadala ng Pinay workers, tuloy uli ang pang-aabuso, pagmamaltrato at pagpatay.
- Latest