ISA ako sa nagulat at nalungkot sa pagkamatay ng isang junior high school student ng Culiat High School matapos saksakin ng kaklase sa loob mismo ng nasabing paaralan.
Para hindi na maulit ang ganitong pangyayari, agad kong pinulong ang Quezon City Police District (QCPD), Social Services and Development Department (SSDD), Schools Division Office (SDO), Education Affairs Unit (EAU), Office of the Assistant City Administrator for Operations, QC Public School Teachers Association, QC Parent-Teachers Association, Northcom Security and Investigation Agency at mga opisyal ng barangay.
Dito inatasan natin sila na magpatupad ng mas mahigpit na seguridad sa mga pampublikong paaralan sa lungsod, kahit itinuturing natin na isolated case ang nangyari sa Culiat High School.
Kabilang sa ipatutupad na dagdag na seguridad ang pagsasagawa ng random security checks sa mga paaralan upang matiyak ang kaligtasan ng mga guro at mga estudyante.
Titiyakin naman ng DPOS na dapat merong tinatawag na contingency at crisis management plans ang mga pampublikong paaralan.
Mayroon din tayong mga inilatag na preemptive measures, kabilang ang dagdag na CCTV cameras sa mga paaralan, values formation programs, at pagkuha ng dagdag na guidance counselors.
Inatasan natin ang mga barangay na magpanukala at pondohan ang mga programa para sa out-of-school youth (OSY), na siyang kadalasang nasa likod ng mga kasong kinasasangkutan ng children in conflict with the law (CICL).
Inirekomenda rin ang pagbuo ng unified referral system sa paghawak sa mga kaso ng CICL, kung saan nakapaloob ang mga panuntunan kung anong klase ng kaso ng CICL ang ibibigay sa isang partikular na tanggapan ng pamahalaang lungsod o kung ipapasa na ito sa QCPD.
Pinalakas na natin ang kapasidad ng Molave Youth Home o Bahay Pag-asa na nagsisilbing residential care facility ng mga CICL na nakabimbin pa ang kaso sa mga hukuman. Sa ngayon, hanggang 340 CICL na ang kasya sa Molave Youth Home.
Sa tulong ng mga hakbang na ito, umaasa ako na maiiwasan na ang anumang karahasan sa ating mga pampublikong paaralan.