Kunwari na lang ngayon magkakaiba ang mga partido politikal. Sa totoo pare-pareho sila. Huwad na makabayan at makamasa. Walang malinaw na ideolohiya at plataporma. Makasarili at maka-China na nag-aambag sa kampanyang halalan. May lihim na mga bilyonaryong nagpopondo at pinuprotektahan ang interes.
Nakita ng bayan kung paano pinaspasan ng Kongreso ang pagpasá ng Malacañang national budget para sa taon 2023. Mahigit kalahating trilyong-piso ang pork barrels para sa Executive at Legislative. Ibubulsa ang walang resibong intelligence at confidential funds na nakapaloob sa mga departamento, opisina at ahensiya. Tig-bilyon-bilyong piso ang kukurakutin ng mahigit 325 mambabatas.
Alam ng mga pulitiko na mangmang ang Pilipino. Hindi umunlad ang edukasyon mula 1946. Mahigit isang dekada nang kulelat ang grade schoolers sa international exams sa Math, Science at Reading Comprehension. Nalilito ang Pilipino sa malalaking numero, tulad ng 12 zeros sa halagang trilyon. Hindi magagap ang simpleng agham, halimbawa nakamamatay ng dengue virus dala ng lamok mula sa tubig tigang. Dahil malnourished, walang critical thinking para maanalisa ang mga nagaganap, tulad ng lantarang pagbubulaan ng pulitiko.
Resulta: tinatanggap ng Pilipino ang pandarambong ng pulitiko. Nakukontento ang maralita sa mga munting pabuya ng Executive at Legislative. Ehemplo: discounts sa kuryente, tubig, botika, restoran, gamot, lampin, ekslusibong eskuwela. Hindi naman galing lahat ‘yon sa bulsa ng pulitiko, kundi bawas sa kita ng pribadong negosyante.
Ngayon pinapanukala na habaan ang termino ng presidente, VP, mambabatas at local na opisyales. Siyempre, maski kontra ang mamamayan, ipipilit ng political dynasts ang nais. Sila-sila lang naman kasi ang nasa puwesto, kaya sila-sila lang din ang makikinabang. Kung pumalag ang ilang matapang, kalaboso o kabaong ang kalalagyan.