^

PSN Opinyon

Wanted sa Hong Kong: Pinoy caregiver dapat marunong ng Cantonese

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Lubha talagang napakahalaga sa sino mang Pilipino na balak magtrabaho sa labas ng Pilipinas na matutunan ang pangunahing wikang ginagamit ng mga mamamayan sa dadayuhin nilang bansa. Mas malamang na hindi siya matanggap sa inaaplayang trabaho o magkaproblema siya trabaho at dayuhang kapaligiran kung hindi siya pamilyar sa lengguwahe nito. Walang problema kung ang isang overseas Filipino worker ay nasa dayuhang lugar na Ingles ang pangunahing sinasalita dahil marunong sa lengguwaheng ito ang mga Pinoy. Kaso, marami ring bansa sa mundo na ang sarili nilang wika ang pangunahin nilang ginagamit. Isa rito ang HongKong na ang pangunahing wika ay Cantonese na isang klase ng lengguwaheng Intsik.

Takda pa namang kumuha ng mga caregiver na Pilipino ang HongKong. Kasalukuyang nasa antas ng pag-uusap ang pamahalaan ng Pilipinas at ng HongKong Special Administrative Region para sa pagpapadala ng mga Filipino caregiver sa HK-SAR. Nito ngang nagdaang linggo ay dumalaw at nakipag-usap sa ilang opisyal ng Pilipinas si Hong Kong Secretary for Labour and Welfare Chris Sun kaugnay sa pagkuha ng mga manggagawang Pilipino.

Napaulat na sinabi ni Sun na, dahil sa tumatandang populasyon ng Hong Kong, lumalaki ang pangangailangan ng mga pribado at government-subsidized care homes at assisted care facilities nito sa mga caregiver at assisted careworkers. Inaprubahan ng HK Executive Council noong Disyembre ng nakaraang taon ang direktang pagkuha ng mga dayuhang caregiver at bawasan ang processing period na mula sa dating tatlo hanggang apat na buwan ay gagawin na lamang dalawang buwan. Tutugon sa nabanggit na kakulangan ang pagkuha ng mga caregiver na Pilipino. Ipinapanukalang suweldo ng mga caregiver at assisted care workers ay mula  HKD12,000 to HKD20,000 o mula P85,000 hanggang P140,000.

Ayon kay Sun, handa ang pamahalaan ng Hong Kong na pabilisin ang pagkuha ng hanggang 7,000 dayuhang manggagawa para matugunan ang matinding kakulangan sa manggagawa tulad ng sa caregiver at assisted care workers.

Gayunman, sinabi ni Department of Migrant Workers Secretary Susan Ople na nasa exploratory level pa lamang sa ngayon ang pag-uusap ng Pilipinas at ng HongKong dahil sa ilang problemang kailangang ayusin tulad ng sa lengguwahe  dahil karamihan sa mga senior citizen sa HongKong ay nagsasalita lang ng Cantonese.

Magiging malaking problema nga kung ang kukuning caregiver ay hindi marunong o nakakaintindi ng Cantonese dahil personal niyang kakaharapin at kakausapin ang aalagaan niyang matanda oras-oras, araw-araw, o gabi-gabi. Mabuti sana kung ang aalagaan niya ay nakakapagsalita ng Ingles. Paano nga kung hindi? Kaya nga mas madaling matatanggap ang isang aplikanteng caregiver kung nakakaintindi at nakakapagsalita siya ng wikang Cantonese. Kung marunong siya ng salitang Intsik na ito, mas malamang magustuhan siya at gumaan ang loob sa kanya ng aalagaan niyang dayuhang senior citizen at maging ng pamilya nito. Kalimitan pa namang kailangang alagaang matanda sa isang nursing homes ay iyong mga may malulubhang sakit, nagtataglay ng kapansanan at ulyanin o meron nang tinatawag na Alzheimer's disease. Kasama na rin dito iyong mga mainitin ang ulo, bugnutin, sumpungin, magagalitin, at iba pa na lalong magpapalubha sa sitwasyon kung hindi siya mauunawaan ng caregiver na tumitingin sa kanila.

Wala pang linaw kung ano ang hakbang na gagawin ng DMW o ng ibang kinauukulang ahensiya  sa problema sa lengguwahe. Hindi mabatid kung obligadong mag-aral ng Cantonese ang aplikanteng caregiver bagaman kailangan naman talaga ng sino mang overseas Filipino worker na maging maalam sa mga salitang ginagamit sa pagtatrabahuhan niyang dayuhang bansa.

Gayunman, may panahon pa namang makapag-aral ng Cantonese ang sino mang interesadong mag-aplay na caregiver kung hindi pa siya maalam sa salitang ito. Makakapaghanda pa siya.  Maraming paraan na matuto dito. Puwedeng bumili ng dictionary para rito o magbukas ng channel sa YouTube na nagtuturo ng salitang Cantonese. O pumasok sa maiikling kurso sa wikang ito. Sa susunod na buwan ay magtutungo sa Hong Kong ang mga kinatawan ng DMW para asikasuhin ang pagpapadala roon ng mga caregiver na Pilipino. Nahiwatigan sa ilang ulat na sisimulan sa susunod na hating taon ng 2023 ang pagkuha ng mga caregiver.

Wala pang mga mahahalagang detalye tulad ng saan at paano mag-aaplay bilang caregiver dahil nasa antas pa nga ng pag-uusap ang Pilipinas at ang Hong Kong. Ang tiyak lang ay ang pagkuha ng HK ng mga Filipino caregiver sa loob ng taong kasalukuyan.

Pero kadalasan naman kailangang dumaan muna sa isang lehitimo at rehistradong recruitment agency  ang nag-aaplay ng trabaho sa ibang bansa. Makikita sa website ng DMW ang mga bakanteng trabaho, job offer, bansang nangangailangan ng dayuhang manggagawa at recruitment agencies.

* * *

Email- [email protected]

CAREGIVER

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with