Adik ang tatay Ikaw at ang bats

Si Eddie ay isang law graduate at galing sa isang mayamang pamilya samantalang tapos naman ng banking and finance si Lisa at nagtatrabaho sa banko kung saan sila nagkakilala at nagkagustuhan. Matapos ang mabilis na ligawan na umabot ng anim na buwan, nagkasundo ang dalawa na magpakasal.

Huminto sa trabaho si Lisa para maging mabuting may­bahay samantalang si Eddie naman ay tumutok sa kanyang mga negosyo tulad ng trading, palaisdaan at restawran. Dala­wang taon pagkatapos nilang magpakasal ay may tatlong anak na lalaki na sila. Kambal ang kanilang panganay na anak.

Sa unang limang taon na sila ay kasal ay lulong sa droga si Eddie. Kung saan-saan na siya nagpagamot para lang masugpo ang kanyang bisyo pati nakulong pa siya sa rehabilitation center sa utos ng korte. Sa loob ng anim na taon ay labas-masok sa rehab center si Eddie at nagpapagamot. Bandang huli ay dineklara na siya na “drug-free” ng korte. Pero sa paniwala ni Lisa ay hindi pa rin magaling ang kanyang mister.

Ayon sa kanilang mga anak na noon ay binata na, ma­s­yado raw mainitin ang ulo ni Eddie at hindi maingat magmaneho sa van nila. Minsan, basta na lang kukuha ng baril ang lalaki at iuumang sa ulo sabay tanong kung sino ang mas mahal nila, kung ang ina o ang ama daw ba? Mas tumindi pa raw ang pagkalulong ni Eddie sa ipinagbabawal na gamot, dahilan para mas lalo itong maging bayolente at sinasaktan siya. Hindi nagtagal ay umalis sa bahay si Lisa at kanilang tatlong anak para pumisan sa kapatid nitong babae.

Nagsampa ng petisyon (petition for habeas corpus) para sa kustodiya ng kanilang mga anak. Kontra rito si Lisa at katwiran ay lulong ang lalaki sa droga. Sa umpisa ng pagdinig sa korte ay nagkasundo ang dalawang panig na sumailalim sila sa psychiatric/psychological evaluation ng isang psychiatrist at kung ano ang maging resulta ay siyang magiging basehan ng korte sa kung sino ang maka­kakuha sa kustodiya ng mga bata.

Samantala, pinayagan naman si Eddie na magkaroon ng visitation rights tuwing Sabado at Linggo. Maaari niyang makuha ang mga bata ng alas nuwebe ng umaga at ibalik sila bandang alas singko.

Ang resulta ng psychiatric evaluation ng psychiatrist base sa mga hinanda na panuntunan ay hindi pa raw lubos na magaling si Eddie. Kaya base sa ulat na ito ay ibinigay ng korte ang kustodiya ng tatlong bata kay Lisa at visitation rights lang ang kay Eddie.

Hindi ito nagustuhan ni Eddie kaya inapela niya ang utos sa Supreme Court. Katwiran niya ay nagkasundo na sila sa korte na ang desisyon ay magiging base sa kinalabasan ng psychiatric evaluation kaya bakit daw hindi gumawa ng lubos na paglilitis ang korte para mapatunayan ang totoong isyu sa kaso ng kustodiya ng mga bata. Tama ba si Eddie?

Tama, sabi ng SC. Sa mga kontrobersiyang kinasasangkutan ay ang kustodiya ng mga menor de edad, ang patakaran ay nasa pantay na kalagayan ang kanilang mga magulang at ang korte ang gagawa ng hatol base sa interes ng mga bata.  Kung ang bata ay lampas pitong taong gulang, papayagan siya na pumili kung sino ang magulang na gusto niyang makapiling.

Pero kung hindi mabuting halimbawa ang magulang ay hindi rin papayag ang korte. Sa kasong ito, ang pangunahing konsiderasyon ay ang pisikal, edukasyonal, sosyal at moral na kapakanan ng bata, base sa moral at sosyal na katayuan ng magkaaway na magulang.

Kaya sa mababang hukuman, ang ginawa dapat ay ang ituloy ang paglilitis kahit pa may naunang kasunduan ang magkabilang panig na ipasa ang resolusyon base sa psychiatric report na hindi sapat na basehan ng desisyon.

Si Eddie ay kilala na lulong sa droga. Sa rekord niya. wala siyang pinansyal at moral na kakayahan para pangalagaan ang mga anak. Base rin sa resulta ng psychiatric evaluation ay hindi pa ganap na magaling si Eddie kaya hindi rin puwedeng ibigay sa kanya ang kustodiya ng mga bata. Idagdag pa na ang edad ng dalawang bata ay 14 at 15 anyos pati hindi sila tinanong ng korte kung kanino nila gustong sumama.

Magagawa ng korte na itama ang pagkukulang nito na pag-aralan mabuti ang ulat pati ang kapasidad ng dalawang magulang na itaguyod ang mga anak. Sa kasong ito, dapat lang na ibalik sa korte ang kaso para sa paglilitis. (Laxamana vs. Laxamana, G.R. 144763, September 3, 2002).

Show comments