Kamakailan, ibinalik ng Bicameral Conference Committee ang P150 milyon na “confidential funds” sa Department of Education (DepEd). Nakapagtataka na kailangan ng “confidential funds” ang DepEd. Hindi ba responsibilidad ng DepEd na tiyakin ang kalidad ng edukasyon para sa lahat? Para saan ang “confidential” na pondo? Ang salitang “confidential” mismo ay nagpapahiwatig ng lihim, tago, eksklusibo, at hindi bukas sa publiko. Kung mangangatuwiran ang DepEd na ang pondo ay gagamitin sa pagtulong sa mga mag-aaral, bakit pa kailangang confidential?
Ibinalik din ang P10 bilyon badyet ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), ahensiya na palaging kontrobersyal at kilala sa red-tagging at pag-aakusa sa mga tao o grupo bilang kaaway ng estado kahit walang ebidensiya. Tinanong ni Sen. Koko Pimentel kung ang Bicam Committee ay kumikilos bilang Ikatlong Kongreso dahil ito ang nagdedesisyon sa mga bagay na napagkasunduan na ng Kamara at ng Senado. Limang bilyong piso ang pinagkasunduan na ng Senado at Kongreso pero ibinalik nga ng Bicam Committee ang unang inilaang budyet na P10 bilyon. Malaki ang maitutulong ng P5 bilyon sa mga nangangailangan kung saan nakikita ang proyekto na walang itinatago.
Ngayon naman, may panukalang bumuo ng Maharlika Wealth Fund (MWF) sa halagang P275 bilyon. Ang ideya ay magtipon ng P275 bilyon mula sa mga pondo ng pensiyon ng gobyerno at mga banko para sa layunin ng pamumuhunan sa malalaking proyekto. Ayon kay Albay Rep. Joey Salceda, ang panukala ay may buong suporta ni Pres. Bongbong Marcos. “Utos ng Presidente” pa nga ang pahayag ni Salceda. Ang pinsan ng president na si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ang asawa ni Romualdez na si Tingog Party List Representative Yedda Romualdez, at ang anak ng presidente na si Senior Deputy Majority Leader Sandro Marcos ay kabilang sa mga nagmungkahi ng nasabing batas. Walang sorpresa roon. Ang dahilan kung bakit kontrobersiyal at kaduda-duda ang MWF ay kung saan kukunin ang pondo.
Dalawa sa maaaring pagmulan ng MWF ay ang Social Security System (SSS) at ang Government Service Insurance System (GSIS). Madalas nating naririnig na nagkukulang na ang pondo ng dalawang ahensya at magkakaroon ng problema sa pagbibigay ng pensyon kung itataas ang kontribusyon ng mg miyembro. Ngunit laging tutol ang mga miyembro. Batay sa financial statements ng dalawang ahensya na makikita online, ang GSIS ay may deficit na mahigit P560 bilyon at ang SSS ay may deficit na mahigit P6 trilyon.
Hindi ako isang ekonomista, pero kung may deficit na ang ahnesya, ano ang katwiran para kunan pa sila ng pondo para sa MWF? Isa lamang ito sa mga isyung itinatanong ng mga sumasalungat sa panukala. Ang iba pang mga katanungan ay kung sino ang mangangasiwa sa MWF? Sino ang magpapasya kung kailan at saan mamumuhunan? Napakaraming tanong at pag-aalala sa panukalang ito. Napakalaking pera ng P275 bilyon na maaaring pagmulan lamang ng panibagong pagmumulan ng korapsiyon.
Nais gayahin umano ang ginawa ng Singapore at Hong Kong kung saan naglikha ng sovereign wealth fund. Doon pa lang ay makikita na ang problema ng panukalang ito. Hindi tayo Singapore o Hong Kong at malayung-malayo pa tayong maitulad sa dalawang bansa. Maganda ang ideya, ngunit maaaring hindi ito ang tamang oras para ipasa ang naturang panukala. Pero dahil puno ng mga kaalyado ni President Marcos Jr. ang dalawang Kamara, maaaring tapos na ang usapan.
Habang sinusulat ang kolum na ito, nagpasya ang leaders ng House of Representative noong Miyerkules na hindi na kasama ang SSS at GSIS sa pagkukunan ng pondo ng MWF.