Baterya, lumang mantika panglipad ng eroplano
Langis ng mani ang ginamit ni Engineer Rudolf Diesel nu’ng unang itanghal ang combustion engine sa Berlin World Expo 1900. Ang ideya niya ay episyenteng gamitin ang langis ng halaman para sa makina ng sasakyan, kagamitang pabrika at pangsaka.
‘Yon nga lang, nanaig ang mga nagmimina ng krudo. Petrolyong hydrocarbons ang nausong pang-andar ng diesel at gasoline engines. Sa loob ng isang siglo, nagdulot ito ng sobrang polusyon. Nawasak ang atmosphere at nagdurusa ngayon ang mundo sa climate change – pag-init ng karagatan, malalakas na bagyo, baha at sunog sa sobrang tag-init.
Nagreremedyo ngayon ang mga maka-kalikasan sa mundo. Gumagamit ng lumang mantika para sa generator ng kuryente sa bahay. Nagkakabit ng solar panels at windmills para sa electric storage batteries.
Ang mga remedyong pambahay ay binabalak gayahin ng airline industry. Mga eroplano ang nagdudulot ng 2.5% ng carbon emissions ngayon. Dahil sisipa na naman ang pagbiyahe, lalala pa ang polusyong dulot nito. Kaya target ng industriya ang zero carbon sa taóng 2050.
Dati nang lumilipad ang jumbo jets sa kerosene, by-product ng gasolina. Ine-eksperimento ngayon ang paggamit ng lumang mantika bilang pamalit. May executive jets na lumilipad sa kuryente ng baterya mula sa solar panels. Ine-eksperimento na rin ito para sa wide bodies. Para sa thrust o sipa sa pag-takeoff, gagamit ng compressed hydrogen. Babawas lahat ito sa polusyon at ingay.
Hindi ito pangangarap nang gising. Matagal nang gumagamit ng solar panels at baterya para i-power ang satellites. Sodium (asin) ion na ang pamalit sa lithium ion battery. Mas tumatagal – napatunayan sa aerial drones. Ang paggamit naman ng lumang mantika ay makakabawas sa dumi sa tubig at lupa. Mababalanse muli ang kalikasan.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest