Ikaw ba si Perfecto?
BAKIT labis na inaasam ng tao na maging perpekto? Sa elementarya pa lang inaasinta ng mga estudyante na masama sa honor roll at maging captain ng basketball team. Tinutulak sila ng mga magulang maka-100% sa exam at mag-top place sa contest. Sa opisina may mga workaholic na empleyado, at boss na gusto’y parating tama ang trabaho nila. Pati sa restoran sinisilip ang order ng kabilang mesa para pulaan o gayahin.
Walang tigil na kumpetisyon ang tingin nang marami sa buhay nila. Pagandahan ng kotse, palakihan ng bahay, pataasan ng suweldo. Kailangan matumbasan ang magarbong kasal, maaksyong bakasyon at bagong home appliance ng idolong artista. Pakinisan ng kutis at palakihan ng muscle sa barkada. Paseksihan ng swimsuit sa resort at pakinangan ng gown sa party. Global issue ang pananakit ni Tonya Harding kay Nancy Kerrigan para manalo sa Olympic ice skating.
Tinuturuan tayo ng relihiyon na tularan ang Diyos. Itodo ang pagmamahal, pagtitimpi at pagsilbi sa kapwa. Sa pagtugon sa ganoong utos ng Langit, nababatid nating marami tayong kamalian at kahinaan.
Ganu’n pa man, obsessed pa rin tayo maging perpekto gaya ng Diyos. Ani American philosopher Michael Sandel sa 2020 librong “The Tyranny of Merit”, lipunan ang umuudyok sa atin sa ganu’ng hangarin. Pero hindi lahat nananalo sa labanan. May bumabagsak at sinisisi ang sarili. Nagkaka-depression, anxiety, sakit-sakitan. Nagiging balat-sibuyas, takot o sobra kumain, malimit nag-iisip magpatiwakal.
Masama ang epekto sa isip ng bata ng magulang na masyadong pakialamero, anang psychoanalysts. Labis ding nagpapapansin ang bata kung pabaya ang magulang. Kailangang may balanse.
Ang ina umano ng labis na pag-asam maging perpekto ay si Expectacion. Aaminin ko, walong beses kong in-edit ang kolum na ito. Hindi naman Perfecto ang ngalan ko.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest