Ang una, si Maila Jean T. Tampipi, 33 anyos, ay umuwi sa kanyang bayan sa Misamis Orientel sa Pilipinas nitong nagdaang huling linggo ng Hulyo ng taong kasalukuyan na isa nang ‘milyunarya’ pagkaraan ng halos walong taong pagtatrabaho bilang domestic helper (DH) sa Hong Kong. Pangalawa ang 57 anyos na tubong-Isabela na si Janet Aclon Peremme na nakaranas ng maraming hirap at dusa pero nakapulot ng mahahalagang aral sa 33 taong pagtatrabaho niya bilang DH sa Singapore. Noong Abril ng taong ito umalis si Janet sa huli niyang employer doon at umuwi sa Pilipinas.
Laking gulat ni Maila nang sa pag-uwi niya sa Pilipinas ay pinabaunan siya ng kanyang amo ng $300,000 na sa pera ng Pilipinas ay umaabot sa P2 milyon. Bukod pa ito sa iba pang mga biyayang natanggap niya mula sa mayamang pamilyang pinaglingkuran niya sa Hong Kong.
Ayon sa isang ulat ng The Sun HongKong, dumating si Maila sa Hong Kong noong 2014 para magtrabaho sa isang pamilya roon. Meron na siyang asawa at isang anak na babae nang panahong iyon. Nagsimula siyang magtrabaho sa panganay na anak na babae ng pamilya sa Deepwater Bay bago siya inilipat sa bahay ng mga magulang nito sa naturan ding compound. Pagkatapos ng dalawang kontrata, pinagtrabaho siya sa Mid-Level Flat ng bunsong anak na babae na dalaga at kaedad niya.
Sinabi ni Maila na, sa buong panahon ng pagtatrabaho niya sa naturang pamilya, naging mapagbigay ang mga ito sa kanya at sa iba pang mga miyembro ng kanilang household staff. Sa bawat taon ng pagtatrabaho niya sa pamilya, nakakatanggap siya ng ekstrang $1,000 kaya, hanggang sa umalis siya sa mga ito, kumikita siya ng $9,000 kada buwan. Bukod dito, binigyan din siya ng housing loan na walang interes kaya nakapagpagawa siya ng dalawang bahay na ang isa ay para sa kanyang pamilya habang ang pangalawa ay para sa kanyang mga magulang habang nagtatrabaho siya.
Pero, noong hulihan ng nakaraang taon, nagkalamat ang relasyon niya sa nakakabata niyang amo dahil sa dayoff. Nabanggit ng isang kaibigan ni Maila na, nagsimula ang pagkairita ng employer nang magsimula si Maila na umalis nang maaga sa kanyang rest day at uuwi nang gabing-gabi na na hindi niya dating ginagawa.
Noong unang bahagi ng Hulyo, sinabihan si Maila ng kanyang employer na tinatapos na nito ang kanilang kontrata. Maaari na niya muling makasama ang kanyang pamilya sa Pilipinas.
Pero ang pagkadismaya ni Maila sa maagang pagtatapos ng kontrata niya sa trabaho ay mabilis na naglaho nang mabatid niya ang halaga ng matatanggap niya sa kanyang employer bilang regalo sa kanyang paglisan. Makaraang maibigay sa kanya ang mga dapat bayaran sa kanya kabilang ang long service pay, one month salary in lieu of notice at unspent annual leave na umaabot sa kabuuang $70,000, ipinasya ng employer na dagdagan ito para maging $100,000. Dumating ang malaking sorpresa nang bigyan siya ng dagdag na $200,000 ng patriarch ng pamilya na isang matandang Malaysian Chinese na kilala bilang isa sa richest moguls sa Hong Kong.
Sinabi ni Maila na wala pa siyang plano kung ano ang gagawin niya sa malaking pera na iuuwi niya sa Pilipinas pero ang tiyak ay makakatulong ito sa kanya at sa kanyang asawa sa pagbuo ng mas magandang kinabukasan para sa kanila at sa kanilang anak.
Laking mahirap naman si Janet sa Isabela. Bulldozer operator ang kanyang tatay habang isa namang labandera ang kanyang nanay. Nasa edad na siyang 24 anyos nang umalis siya sa Pilipinas para magtrabaho bilang DH sa Singapore at makatulong sa kanyang mga magulang at mga kapatid. Sa unang salta pa lamang ni Janet sa Singapore, nasaksihan na niya ang pangit na mga realidad na kinakaharap ng maraming DH.
“Doon pa lang sa agency, nakita ko na agad ang discrimination. Paano binu-bully ang mga bagong saltang domestic workers. Sinisigawan ng employer,” sabi niya sa isang ulat ng ANCX. Dito niya narinig ang mga salitang “katulong ka lang,” “wala kang karapatang magreklamo,” “kainin mo kung ano ang ibinibigay sa iyo.”
Nahirapan siyang makaangkop sa unang bahay na pinaglingkuran niya. Napakaraming trabaho. “Five AM pa lang gising na. Tapos late na matulog. Walang day-off. I was so tired and stressed. Super hirap,” dagdag niya.
Nagpalipat-lipat siya ng mga amo dahil sa grabeng physical at mental stress sa trabaho. Nangayayat siya. Sa 33 taon niya bilang DH, nakapagtrabaho siya sa mga bahay ng mga Singaporean, Australian, Scots, Britisth national at Japanese. Minsan ay bigla na lang niya nilayasan ang isang employer.
Noong Marso 2008, nagpakanlong siya sa Humanitarian Organisation for Migration Economics (H.O.M.E.) na tumutulong sa mga migranteng manggagawa na nakakaranas ng pang-aabuso at pagsasamantala. Habang nasa shelter siya, nag-voluntary work siya rito. Kinalaunan, kinuha siyang DH ng isang British family na pang-10 at huli niyang employer pero mas tumagal siya rito na umabot ng 14 na taon. Bilang ganti sa pagtulong sa kanya noon, tuwing Linggo ay nagbo-voluntary work siya sa H.O.M.E. sa loob ng 13 taon. Tumatao siya sa help desk, nagbibigay ng payo sa kapwa migrant worker o kung minsan ay sinasamahan niya sa presinto ng pulisya ang mga biktima ng pang-aabuso. “Merong pinlansta, binuhusan ng mainit na tubig, ni-rape,” wika niya.
Maraming aral ang natutunan ni Janet. Naisip niya ang klase ng amo na dapat niyang hanapin- iyong tatratuhin siya nang tama, bigyan siya ng oras ng pahinga, iyong hindi gagawa ng mga imposibleng mga utos, iyong hindi magpapataw ng mga unrealistic expectations. “Para sa akin, it’s not just about money,” sabi niya. “Mas importante ang physical and mental health.”
Sa huli niyang amo, maayos na ang lagay niya. Nagsisimula siyang magtrabaho nang alas-8:00 ng umaga. Kapag natapos na niya ang kanyang mga trabaho at natutulog na ang mga bata, maaari na siyang magpahinga. Day off niya ang Linggo at public holiday. Sa kanyang mga dayoff, nag-aral siya ng one year entrepreneurial course. Noon ngang Abril ay nagpaalam na siya sa kanyang mga amo.
Habang nasa Singapore siya, naiplano na niya ang kanyang pagreretiro. Nakapagsimula siyang mamuhunan sa ilang negosyo- Siomai King franchise at Toktok delivery business. Bumili siya ng isang condominium unit na magiging retirement house niya.
“Kung may pagkakataon na i-redo ang buhay ko, pipiliin ko pa din ang maging domestic helper kasi it made me who I am now,” sabi pa niya. “Madami akong natutunan. Nakapagtapos ako ng pag-aaral dahil sa pagiging DH. Natamo ko ang contentment na hinahanap ko at kung ano ang mayroon ako ngayon.”
* * *
Email- rmb2012x@gmail.com