Broccoli at cauliflower, nilalabanan ang kanser
ALAM n’yo bang ang broccoli at cauliflower ay tinagurian ng mga eksperto na pinakamasustansiyang gulay?
Ayon sa U.S. Department of Agriculture, ang broccoli ay mayaman sa vitamin C, calcium at fibers.
Narito ang mga sakit na nilalabanan ng broccoli at cauliflower:
1. Para labanan ang kanser—Ang sulforaphane ay nagpaparami ng isang selula na kung tawagin ay “helper T-cells”. Tinutulungan nito ang ating atay na tanggalin ang mga dumi na nalalanghap tulad ng usok ng sigarilyo, usok ng sasakyan, mga gamot at alak na ininom. Ayon sa pagsusuri sa Tokyo at Singapore, makatutulong ang broccoli at cauliflower sa pag-iwas sa kanser sa balat at kanser sa baga. Sa katunayan, ayon sa World Cancer Research Fund, may 206 na pagsisiyasat na ang nagsasabi na ang broccoli at cauliflower ay pangontra sa kanser sa bibig, lalamunan, suso, tiyan, baga, pancreas at bituka.
2. Para sa mataas ang kolesterol—Ang fiber na taglay ng broccoli ay makatutulong sa pagbaba ng kolesterol sa dugo at nililinis ang bituka.
3. Para pumayat—Hindi nakatataba ang mga gulay kumpara sa karne at matatamis na pagkain. Ang isang tasa ng broccoli o cauliflower ay may taglay lamang ng 46 calories. Kung gusto ninyong pumayat, kumain ng maraming gulay para mabusog agad.
4. Para lumakas ang katawan—Maraming panlaban sa sakit o antioxidants ang broccoli tulad ng beta-carotene, vitamin C at glutathione. Ayon sa mga eksperto, mas mabisa ang natural na glutathione na galing sa gulay dahil tinutulungan nito ang atay na alisin ang masasamang kemikal tulad ng lead at mercury.
5. Para sa mga babae—Ang broccoli ay may kemikal na sulforaphane na makatutulong sa pag-iwas sa kanser sa suso. Ang sulforaphane ay pinipigilan ang isang estrogen metabolite na may kaugnayan sa kanser sa suso. May taglay na folic acid din ang broccoli na kailangan ng bata sa sinapupunan. Mayroon din itong calcium na makatutulong din sa pag-iwas sa osteoporosis.
6. Bukod sa mga sakit na nabanggit, ang pagkain ng broccoli at cauliflower ay may benepisyo rin para maiwasan ang Alzheimer’s disease, diabetes, sakit sa puso at arthritis.
- Latest