Paglindol, kagagawan din ng tao?

Hindi nagkakalayo ang pinsala ng July 16, 1990 “killer quake” sa July 27, 2022 “Abra quake”. Ang 1990 quake ay may magnitude 7.8 sa Richter Scale samantalang ang lindol noong Miyerkules ay magnitude 7.0.

Libong tao ang namatay noong 1990 samantalang anim sa nangyaring lindol noong Miyerkules. Salamat at ganito lamang ang casualties ng Abra quake.

Maraming napinsala sa Abra na epicenter ng lindol. Maari pa raw lumala ang mga pinsala dahil patuloy ang aftershocks sa nasabing probinsiya. Marami sa mga residente ang ayaw pang umuwi sa kanilang mga bahay dahil natatakot na muling lumindol.

Ayon sa siyensiya,  hindi malalaman kung kailan tatama ang lindol na karaniwang sanhi ay ang paggalaw ng tectonic plates sa ilalim ng lupa o pagsabog ng bulkan.

Ngunit ayon sa pananaliksik na nalathala sa Seismological Research Letters noong 2017 sa National Geographic, natunton ang 730 lugar kung saan kagagawan umano ng tao ang mga paglindol sa nakalipas na 150 taon.

Itinuturo ang mga minahan (37%) at water impound­­ment ng mga dams (23%) ang karaniwang sanhi ng “induced earthquakes”. Napatunayan din na ang unconventional oil at gas extraction projects na gumagamit ng hydraulic fracturing ay nagtri-trigger din para lumindol.

Pagtuunan sana ng pansin ng pamahalaan at policy-makers ang nasaliksik na ito upang mabawasan ang kapahamakan tuwing lumilindol.

Pag-isipang mabuti bago isakatuparan ang mga tinataguriang development projects gaya ng commercial mineral explorations at dambuhalang geothermal dams lalo’t ang ating bansa’y nasa Pacific Ring of Fire kung saan madalas ang pagsabog ng mga bulkan at paglindol.

Sana umabante tayo ng ilang hakbang  mula sa relief and rescue mindset tungo sa disaster mitigation dahil ang buhay ay mahalaga.

* * *

Para sa suhestiyon: art.dumlao@gmail.com

Show comments