SINULAT ko itong artikulo para itama ang mga maling paniniwala. Mayroong nagsasabi na dapat daw umiwas sa ilang klaseng gulay kung may high blood. Wala po itong katotohanan.
Mga maling paniniwala:
1. Maberdeng gulay at high blood pressure—Ang high blood pressure ay puwedeng makuha sa sobrang alat ng pagkain at pagtaas ng kolesterol. Ang gulay ay nagpapababa ng kolesterol kaya makatutulong ito sa may high blood. Hindi po pareho ang kulang sa dugo (anemia) at presyon ng dugo (blood pressure). Ang gulay ay makatutulong din sa anemia dahil sa sangkap nitong iron.
2. Gulay tulad ng repolyo, kamoteng kahoy at broccoli—Hindi po bawal ang pagkain ng gulay sa goiter. Ang goiter ay puwedeng magmula dahil sa kakulangan sa iodine. Nakukuha ang iodine sa seafoods at iodized salt. Pero siyempre dapat balanse ang diyeta at sari-saring gulay ang kainin natin. Linisin at lutuin ang gulay bago kainin.
Mga benepisyo ng gulay:
1. Para kumpleto sa bitamina—Ilan sa mga masustansyang gulay ay ang broccoli, cauliflower, kangkong, pechay, ampalaya, malunggay, spinach, talong, okra at talbos ng kamote. Sagana ito sa vitamins, minerals at iba pang healthy na sangkap.
2. Panlaban sa sakit—Ang gulay ay maganda ring panlaban sa sakit tulad ng sakit sa puso, high blood pressure, diabetes, at sakit sa tiyan.
3. Makaiiwas sa kanser—Ayon sa pag-aaral, ang pagkain ng sapat na gulay at prutas araw-araw ay makababawas sa pagkakaroon ng kanser ng 3 to 10%. Makatutulong ang gulay sa pag-iwas sa colon at breast cancer at iba pang cancer.
4. Para maging regular ang pagdumi—Malaki ang tulong ng gulay sa ating tiyan at bituka. Mataas ito sa fiber na parang nagsisilbing walis na lumilinis sa ating bituka. Bawasan ang pagkain ng karne at taba na kulang sa fiber.
5. Panlaban sa stress—Ang gulay ay mataas sa vitamin B, na makatutulong sa ating ugat (nerves) at makababawas sa stress.
6. Para manatiling bata at malusog ang katawan—Ang pagkain ng dalawang tasang gulay at dalawang tasang prutas bawat araw ang rekomendasyon ng mga eksperto.
Sa mga ayaw pa rin kumain ng gulay, ano naman po ang balak nating kainin? Karneng baboy o baka ba? Pritong pork chop, lechon at pata? Napakataas niyan sa kolesterol at puwedeng magdulot ng atake sa puso at istrok.
Ang mga taong mahilig sa gulay ay mas humahaba ang buhay. Pero kung puro karne ang kinakain ay mabilis magkasakit at maagang namamatay.
Kaya huwag pong maniwala sa mga sabi-sabi. Gulay at prutas ang sadyang ginawa ng Diyos para kainin ng tao.
* * *
Awat na sa maalat
Mahilig ka ba sa maaalat na pagkain? Ang sobrang asin sa pagkain ay nakakataas ng blood pressure. Ang pagbawas naman ng asin sa diet ay nakakababa ng blood pressure.
Dapat sana ay isang kutsaritang asin lang o mas konti pa ang makain ng isang tao bawat araw. Mas konti pa dito para sa mga batang maliliit. Ang isang kutsaritang asin ay mga 6 grams ng sodium chloride, at ito ay naglalaman ng 2.4 grams ng sodium.
Paano nga ba mababawasan ang asin sa ating pagkain?
1. Tanggalin ang asin, patis, toyo at bagoong sa hapag kainan. Sinasabi ko sa mga pasyente na puwedeng gamitin ang mga ito sa pagluluto para magkalasa ang pagkain pero pagdating sa mesa ay huwag nang dagdagan pa. Kung kaya, puwede ring gumamit ng herbs, kalamansi, o suka sa pagluluto.
2. Kumain ng sariwang isda kaysa mga isdang tinuyo o dinaing. Kumain din ng sariwang karne imbes na ham o bacon.
3. Umiwas sa mga canned goods dahil maaalat din ang mga ito.
4. Umiwas sa pagkain ng mga chips at instant noodles dahil marami rin itong sodium.
5. Magbasa ng nutrition label. Low salt na maituturing kung 0.3 g salt o 0.1 g sodium o mas mababa pa ang laman sa bawat 100 g ng pagkain.