EDITORYAL - Farm-to-market road, isakatuparan
Noon pa pinlano ang paggawa ng mga kalsada sa mga kanayunan para mabilis na nadadala ng magsasaka ang kanilang ani sa bayan. Ilang presidente na ng Pilipinas ang nagsabi na dapat ay makagawa ng kalsada sa mga liblib na lugar para sa kapakinabangan ng mga magsasaka. Hindi matitengga ang anumang produkto o ani sa bukid kung may kalsada.
Subalit ang plano ng mga nakaraang presidente sa farm-to-market road (FMR) ay pawang kathang isip lamang. Walang naisakatuparan. Mayroong mga sinimulang kalsada, pero hindi itinuloy ng mga kontraktor kaya nakatiwangwang at nagsilbing daan ng mga kalabaw, baka at iba pang hayop sa halip na mga sasakyan na maghahakot ng mga produkto patungong bayan. Hanggang sa kasalukuyan, walang mga kalsada na masasabing napapakinabangan ng mga magsasaka. Naghintay ang mga magsasaka sa wala.
Ang farm-to-market road ay muling binubuhay ng kasalukuyang administrasyon. Ipinag-utos kamakalawa ni President Ferdinand Marcos Jr. sa mga opisyal ng Department of Agriculture na maglatag ng plano para sa pagpapagawa ng farm-to-market na makatutulong nang malaki sa pagpaparami ng pagkain at para mapalakas ang rural communities.
Sinabi ng presidente na umaakto ring agriculture secretary na ipaprayoridad ang pagsasagawa ng FMR ang unang hakbang para malutas ang problema sa pagkain. Kapag naisagawa ang FMR magtutuluy-tuloy aniya ang daloy ng pagkain at hindi na kakapusin. Sinabi pa ng presidente na kailangang pag-aralan at pag-isipang mabuti ng DA executives ang paglalatag ng plano sa pagsasakatuparan ng FMR. Kapag natapos ang master plan, dapat itong isumite sa economic managers.
Sana, maisakatuparan ang FMR at hindi imahinasyon lamang. Tutukan din ang problema sa irrigation system na mahalaga sa mga magsasaka. Magkaroon din ng mga seminar sa kanayunan para maturuan ang mga magsasaka ng tamang pagtatanim ng palay na madaling bumunga at maraming naaani. Ganito rin ang gawin sa mga magsasaka ng gulay at mga prutas, mga naghahayupan at mga nag-aalaga ng isda.
- Latest