Nakalimutan ko na kung sino ang nagsabi na tayong mga Pilipino ay hindi mulat sa kasaysayan, at hindi rin tayo maalaga sa mga makasaysayang kaganapan. Nabanggit ko iyon nang makita ko noon ang tulay sa San Juan na tinambakan lang ng basura. Ito ‘yung tulay kung saan nagsimula ang digmaan sa pagitan ng mga Pilipino at Amerikano. Doon na lang inilagay ang basura para makuha ng basurero. Ayaw siguro ilagay sa harap ng kanilang tahanan. Mabuti na lang at malinis na ngayon. Sana ayusin din ang nakasulat sa tulay, para mabasa nang marami, lalo na ang kabataan.
Ngayon, may isang isyu na naman. Sa may Manila Bay makikita ang rebulto ni Arsenio Lacson, dating mayor ng Maynila, na tila nakatingin sa toresilya na may dalawang kanyon. Ang isyu ng mga kilalang mananalaysay tulad nina Ricardo Jose, propesor sa UP, ay ang proyektong ito ng DENR ay “meaningless and a waste of time, effort and money.” Hindi ko na isinalin sa Pilipino.
Ang isyu kasi ay ang dalawang kanyon ay galing umano sa dalawang lugar sa Corregidor, at ipinalalabas na ang toresilya ay isang kopya ng toresilya sa Fort Drum o El Fraille Island. Alam ba ninyo ang Fort Drum na ito? Hindi daw dapat ginalaw ang mga kanyon sa kanilang kinaroroonan kasi makasaysayan nga ang Corregidor.
Ayon naman kay Jose Custodio, dating tagapangasiwa ng Armed Forces of the Philippines Museum ang proyekto ay “badly conceived idea which disregards the historical significance of the guns and creates a myth that does not accurately depict what the guns really [were] about.” ‘Di ko na rin isinalin sa Pilipino. Bakit daw ipinalabas na galing sa Fort Drum ang mga kanyon kung hindi naman. Bakit nga ba?
Kung galing Corregidor, bakit hindi na lang ganun ipakita? Lagyan ng mga paglalarawan na galing sa makasaysayang isla. Bakit kailangan ilagay sa toresilya at ipalabas na ganito sa Fort Drum? Para mas may dating? Para mas bongga ang display, ang proyekto ika nga? Baka lumabas na ang karamihan ay maniwala na lang na galing nga sa Fort drum ang toresilya at mga kanyon. Maling pagsasalarawan ng kasaysayan na naman? Alam naman natin na napakadaling maniwala ang karamihan ngayon, kahit maling impormasyon, hindi ba?
Natural na ipinagtanggol ng DENR ang proyekto. Ayon kay dating DENR Sec. Roy Cimatu na dating heneral, iilan lang daw ang may alam ng Fort Drum kaya sila nagtayo ng kopya ng toresilya at dahil hindi naman bukas sa publiko ang Fort Drum o El Fraille. Kung ganun, sana may iba silang ginawa.
Kung nais ipaalam sa mas maraming tao ang kasaysayan ng Fort Drum, nandyan ang National Museum para maglagay ng lahat ng impormasyon tungkol dito. May mga kilala ako na nakalikha ng modelo ng Fort Drum. Pero nakikita ko nga ang dahilan nito. Isinabay sa Dolomite Beach na kontrobersyal din. Ang tanong, magkano naman inabot ang proyektong ito, sa panahon ng mataas na bilihin at matinding kahirapan?