Malaki ang posibilidad na buhayin ni president-elect Ferdinand Marcos Jr. ang Bataan Nuclear Power Plant (BNPP). Nang batiin siya sa pagkapanalo ng lider ng South Korea, napag-usapan ang tungkol sa BNPP at nag-alok umano ng tulong ang nasabing bansa para buhayin ito. Ipinatigil ng gobyerno ni President Corazon Aquino ang BNPP noong 1986 dahil sa maraming isyu at unang-una na ang kaligtasan ng mga residente sa paligid ng BNPP sa Morong, Bataan. Ang lugar umano ng BNPP ay nasa fault area at kapag lumindol, tiyak na magli-leak ang planta.
Ikalawang isyu ay ang corruption. Nakatanggap umano ng kickback si dating President Ferdinand Marcos Sr. sa Westinghouse, ang kompanyang gumawa ng BNPP. Nang ginagawa na ang BNPP noong 1976, maraming tumututol at sunud-sunod ang pagra-rally. Malaking disaster umano ang lilikhain ng BNPP kapag nag-leak ang planta. Marami umanong mamamatay kaya hindi dapat ipagpatuloy ang BNPP. Layunin sa pagpapatayo ng BNPP ay ang magkaroon ng sapat na suplay ng kuryente. Mas mura umano ang kuryente mula sa nuclear energy.
Si President Duterte ay pabor na buhayin ang BNPP. Darating daw ang panahon na mauubos ang langis samantalang ang nuclear energy ay forever na. Hinihiling niya sa bagong administrasyon na buhayin ang BNPP. Tingnan daw mabuti ang kahalagahan sa pagbuhay sa BNPP. Bagama’t delikado raw ito gaya ng magkaroon ng leak sa nuclear plant sa Chernobyl sa Ukraine ilang taon na ang nakararaan, makaaasa naman nang pangmatagalang source ng kuryente.
Pag-aralang mabuti ng bagong administrasyon ang pagbuhay sa BNPP. Tingnan ang mga maaaring mangyari kapag nag-ooperate na. Ligtas ba talaga ito at hindi magkakaroon ng leak. Nararapat dumaan sa mahigpit na pagsusuri kung ipagpapatuloy ang BNPP. Hindi ito maliit na bagay kaya nararapat pag-isipang mabuti kung nararapat nga bang ipagpatuloy. Kunsultahin ang mga eksperto sa ibang bansa na gumagamit ng nuclear energy. Sila ang may kasanayan na sa paggamit ng nuclear energy kaya marami silang nalalaman ukol dito.