10 payo sa pagsusulat
Sa anumang wika mo balak magsulat at malathala, pare-pareho ang mga alituntunin. Ito ang mga payo ko sa mga batang mamamahayag:
(1) Maging payak. Gumamit ng mga simpleng salita at ihanay ito sa simpleng pangungusap.
(2) Maikli lang. Hindi nadaraan sa pahabaan ng akda para maging obra maestra. Konti ang oras ng mambabasa.
(3) Maging malinaw. Nagsusulat tayo upang maglahad ng ideya. Kaya dapat naiintindihan, hindi nanlilito ng mambabasa.
(4) Gumamit ng pandiwa imbis na pang-uri. Malamya ang “Nakakatakot ang tunog ng aso” kumpara sa “Umatungol ang aso”.
(5) Pasadahan ang akda. Tiyaking wasto ang mga pangalan, petsa at datos; pati baybay, bantas at pananda. Alisin ang mga labis na parirala. Kung magulo, baguhin ang talata.
(6) Saliksikin ang paksa. Hindi umuulan ang mga ideya mula sa langit. Sabik ang mambabasa sa bagong kaalaman; nais niyang matuto. Halata niya kung nag-iimbento ng datos.
(7) Ibatay ang akda sa mga totoong tao. Gusto nating malaman kung ano ang sinasabi, ginagawa o nararamdaman ng kapwa. Makipag-panayam sa mga bihasa sa paksa. Gumamit ng mga sipi nila.
(8) Pansinin ang paglalahad ng mga numero at estadistika. Imbis na “Apatnapung porsiyento ng mag-aaral ay payat at bansot”, mas madaling maintindihan kung “Dalawa sa bawat limang mag-aaral ay....”
(9) Magbasa. Natututo tayo sa laman at estilo ng sanaysay, nobela, maikling kuwento at tula ng iba.
(10) Dalasan ang pagsusulat. Parang basketbol ito; humuhusay tayo sa malimit na ensayo. Magsulat miski hindi panlathala. Kumatha ng kuwento o tula para sa minamahal. Nakakaalis ito ng lungkot, galit o gulo ng isip.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest