EDITORYAL - Quarrying sa Marikina Watershed, ipatigil
SINISIRA ng illegal mining, quarrying at resort construction ang Masungi at Upper Marikina Watershed sa Baras, Rizal. Kapag hindi ipinatigil ang mga ginagawang illegal na aktibidad sa nasabing protected area, babaha sa Marikina at sa maraming bahagi ng Metro Manila. Nakalulunos ang maaring mangyari kapag hindi naputol ang mga ginagawang paghuhukay sa reserve areas. Ang Marikina watershed ay napagkalooban ng proteksiyon sa ilalim ng Republic Act No. 7586 o ang National Integrated Protected Areas System (NIPAS) Act of 1992.
Sabi ng ilang residente sa Baras, nang manalasa ang Bagyong Ulysses noong 2020, buong bayan ng Baras ay binaha na hindi naman nangyayari dati. Mabilis umanong tumaas ang tubig. Nangangamba sila na kung hindi mapipigil ang illegal activities sa Marikina watershed protected areas, baka raw sila naman ang mawala sa mga susunod na panahon. Dapat na umanong maputol ang illegal quarrying at mining sa lugar para maiwasan ang pagkasira.
Noong Miyerkules, ang Masungi Georeserve Foundation sa Baras ay umapela na kay President Duterte at kay DENR Sec. Jim Sapulna na kanselahin ang mineral production sharing agreements sa Upper Marikina Watershed upang mapigilan ang panganib na idudulot ng mga ginagawang aktibidad sa lugar. Ang grupo ng Masungi ang nagpapanatili at nagre-rehabilitate sa portion ng watershade upang magsilbi itong “first line of defense” laban sa pagbaha kung may malakas na bagyo.
Sagot ni President Duterte sa apela ng Masungi Foundation, sampahan ng kaso ang mga sumisira sa Marikina Watershed. Ipinag-utos niya ito sa kalihim ng DENR at sa Anti-illegal logging Task Force. Ayon sa Presidente, nangangamba siya sa nangyayaring illegal activities sa watershed.
Ngayong may direktiba na ang presidente, kumilos sana ang DENR at iba pang ahensiya para mapigil ang illegal quarrying at mining sa lugar. Alamin din ng DENR kung sino ang nasa likod ng quarrying operations. Ayon sa report “malalakas at malalaking pulitiko” ang may-ari ng quarrying kaya hindi maipatigil na noon pa nag-ooperate. Nararapat nang wakasan ang kasibaan ng mga ito.
- Latest