Napakaraming may problema sa malalaking ugat sa paa at kamay. Hindi ito magandang tingnan. Mabigat at pagod ang pakiramdam ng may varicose veins.
Narito ang solusyon:
1. Huwag ma-guilty – Mga 17% ng pasyente ay may varicose veins. Ito ay dahil namana sa mga magulang.
2. Itaas ang kamay o paa – Ang sanhi ng varicose veins ay ang pagluwag ng ating mga ugat. Kapag laging nakababa ang ating paa, mag-iipon dito ang dugo at mamamaga ang ating ugat. Kaya umupo at ipatong ang paa sa isang silya o kutson. Ipatong din ang kamay sa isang unan at itaas ng ilang ulit sa isang araw.
3. Magsuot ng support stockings o masikip na medyas – Mabibili ito sa mga department store o sa medikal na tindahan. Ayon kay Dr. Katty Go, ang support stockings o compression stockings ang pinakamabisang lunas sa varicose veins. Gamitin ito palagi.
4. Huwag tumayo ng ilang oras – Kung ang trabaho mo ay security guard, pulis o saleslady, puwede kang magka-varicose veins. Galaw-galawin ang iyong paa habang nakatayo. Parang nag-e-exercise ka para umakyat ang dugo mula sa paa pabalik sa puso. Kung puwedeng umupo, mas mainam.
5. Itaas ang paa habang natutulog – Ipatong ang paa sa isang unan para mabawasan ang pag-iipon ng dugo rito.
6. Huwag magsuot ng masikip na pantalon – Kapag masikip ang pants o maong, puwedeng maipit ang ugat sa paa. Siguraduhing katamtaman lang ang sikip para makadaloy ang dugo sa mga ugat.
7. Kumain ng mga gulay na mataas sa fiber tulad ng patola, pechay, okra, at kangkong. Ang prutas tulad ng papaya at pinya ay may fiber din. Sa tulong nito, magiging regular ang iyong pagdumi. Kapag malambot ang inyong dumi, makaiiwas kayo sa varicose veins at sa almoranas din.