KARAMIHAN sa atin, paggising sa umaga ay agad na tumatayo. Hindi po dapat. Puwedeng mahilo at bumagsak dahil hindi pa ganoon ka-“gising” ang ating katawan. Puwedeng manhid pa ang paa at wala kang balanse sa paglalakad. Maraming maaring mangyari kung paggising ay tatayong bigla.
Narito ang anim na bagay na dapat gawin paggising sa umaga.
1. Ihanda na ang gamit at damit para sa kinabukasan bago matulog. Kung nakahanda na ang mga iyon, makakatulog ka nang mahimbing.
2. Paggising sa umaga, magpasalamat sa Diyos dahil marami ang hindi na nagigising. Totoo ang kasabihang, “Every gising is a blessing”.
3. Paggising huwag tumayo agad at baka mahilo. Dahan-dahan lang. Umupo muna ng 1 minuto at mag-unat-unat (stretch) ng leeg at balikat. Ang biglang pag-upo at paggalaw ng ulo ay puwede magdulot ng vertigo o pagkahilo. Mayroon ding nagko-collapse at nagdidilim ang paningin sa biglang pagtayo, dahil nagkulang ng dugo sa ulo sa pagbaba ng blood pressure.
4. Umupo sa inidoro habang umiihi, kahit ang mga lalaki. Baka inaantok ka pa at bigla kang mahilo at bumagsak. May tinatawag na “micturition syncope” kung saan nag-collapse ang tao habang umiihi. Puwedeng mangyari ito.
5. Uminom ng dalawang basong maligamgam na tubig bago mag-almusal. Para luminis at maiihi ang dumi sa katawan. Turo ito ng Japanese water therapy.
6. Maging positibo na magiging maganda ang iyong araw. Mag-expect na may darating na biyaya.