Lumalaban para sa pondo!
Same old, same old! Expression na madalas nating sabihin kapag walang pagbabago sa isang sitwasyon, pangyayari, at maging kaugalian ng isang tao. Kung sa usapang pulitika naman, same old faces. Kahit lagi namang talunan e tuwing may halalan ay takbo pa rin nang takbo. Bakit kaya?
Ang tawag ko diyan, run to lose. Sila ‘yung kesehodang manalo sa posisyong tinatakbuhan ay kakandidato pa rin sila basta ang pondo, nasa kanilang bulsa. ‘Yung iba naman, talagang nangangarap. Malay mo manalo – e di jackpot!
Pansinin n’yo, tuwing mag-eeleksiyon, bumabaha ang pondo. Bawat kandidato, may benefactors, supporters at donors na indibiduwal, organisasyon o kompanya na bubuno ng kanilang campaign fund.
Tanong ng barbero kong si Mang Igme: BITAG, pagkatapos ng eleksiyon, saan napupunta ang natira sa campaign fund? Dapat bang isoli ang natirang pera?
Sagot ko: Malamang ay depende sa pulitiko. May pulitiko kasi na mataas ang prinsipyo kaya asahan mong ibabalik ‘yun.
In essence, kung ang pulitiko na iyon ay may sobrang P50 milyon sa kanyang campaign fund, sa kanya na ‘yun. Ang siste, walang krimen at batas na nilabag doon. Ang totoo niyan, hindi obligadong isoli ang sobrang pera sa kampanya. Pero humanda ka, kapag ikaw ay nanalo, naturalmente, pagsisilbihan mo kung sinong nagbigay ng perang ‘yan. Tawag diyan, “utang na loob”.
Walang problema dun dahil hindi pagnanakaw ‘yun. Grasya ‘yun kung tawagin. Pero dapat ideklarang income ang perang ‘yun. Kailangan ‘yan sa pagbabayad ng buwis – kung nagbabayad nga sila ng buwis.
Manalo, matalo, may benepisyo. Fringe benefits ‘ika nga kapag ika’y nanalo. Kaya naman run to lose or run to win… either way, you win!
Tanong uli ni Mang Igme: Dapat share the blessing kapag may sobra at nanalo ka?
Depende ulit, kung ang kandidato ay may moral compass, may ethical standards at may puso. Kayang isipin at isagawa na dapat ibahagi ang grasya sa mga makataong paraan. Halimbawa, pagpapatayo ng infrastructure, paglulunsad ng food feeding program at iba pang aktibidades para sa kapwa o pamayanan. Pero bihira na lang ‘to sa panahon ngayon.
Kaya sana, sa mga pulitiko na tumatakbo, manalo-matalo, kapag may excess kayong pondo, huwag ibulsa. Ibahagi sa publiko para mabawasan ang utang na loob kay Hestas, Hudas at Barabas na sumuporta sa inyo.
- Latest