Mga gagawin kung may ulcer
ANG gastritis o ulcer ay isang sakit kung saan nagagasgas ang laman o lining ng sikmura dahil sa sobrang acidic o laging nalilipasan ng pagkain.
Narito ang mga gagawin kung may ulcer:
1. Umiwas sa maasim at maanghang na pagkain.
2. Kumain ng pakonti-konti pero madalas sa isang araw.
3. Kumain ng saging at tinapay.
4. Lumagok ng kaunting tubig bawat 20 minuto para mahugasan ang acid sa tiyan.
5. Umiwas sa alak at sigarilyo. Ang alcohol ay nakabubutas ng tiyan lalo na kung iinom nang walang laman ang tiyan. Ang sigarilyo naman ay nakasisira rin ng baga at tiyan.
6. Limitahan ang pag-inom ng pain relievers. Ang mga gamot sa kirot tulad ng Mefenamic acid ay dapat inumin lamang pagkatapos kumain. At huwag itong aaraw-arawin dahil masama rin ito sa katagalan.
7. Ang Aspirin ay maaari ring magdulot ng ulcer. Inumin ang aspirin pagkatapos kumain. Kapag sinisikmura pa rin, ihinto ang aspirin at magpa-check-up sa doktor.
8. Tantiyahin ang pag-inom ng gatas. Ayon sa mga espesyalista, ang gatas ay puwedeng magparami ng acid sa sikmura. Ang iba naman ay nagtatae sa gatas. Mas maigi pa ang yoghurt.
9. Magluwag ng sinturon. Ang masikip na pantalon at sinturon ay maaaring magpataas ng pressure sa tiyan. Dahil dito, mahihirapang bumaba ang kinain.
10. Pagkakain, huwag agad umupo o humiga. Maglakad-lakad muna para matunawan.
11. Kumunsulta sa doktor kapag may dugo ang dumi, matindi ang sakit ng tiyan at kung may iba pang karamdaman tulad ng sakit sa puso, apdo o may appendicitis.
12. Kapag hindi nawala ang sakit ng tiyan, nararapat nang magpatingin sa doktor. May mga gamot na binibigay ang doktor na makatutulong sa ulcer.
- Latest